Mensahe ni Senator Loren Legarda: Pagtatalaga sa Gusali ng Pamahalaang Bayan ng Taal Bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan

December 8, 2024

Mensahe ni Senator Loren Legarda

Pagtatalaga sa Gusali ng Pamahalaang Bayan ng Taal Bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan

December 8, 2024

 

Isang makasaysayang araw sa ating mga kababayan dito sa Taal, Batangas.

Sa kasalukuyang panahon na pinapatakbo ng teknolohiya, marahil isa sa mga katanungan lalo na ng mga bagong henerasyon, “ano ang halaga ng isang gusali na itinayo mahigit isang daang taon na ang nakalipas?”

Sa unang tingin, ito’y maaaring isang lumang istruktura lamang, gawa sa kahoy at bato, ngunit kung bubuksan natin ang ating mga mata at puso, makikita natin na ito’y puno ng mga kwento—mga alaala ng nakalipas, mga pangarap ng pamayanan, saksi sa bawat tagumpay at pagsubok ng isang bayan.

Ngayong araw, ating binibigyang-pugay ang Gusali ng Pamahalaang Bayan ng Taal na opisyal na kinikilala bilang isang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan (NHCP). Sa deklarasyong ito, hindi lamang natin kinikilala ang kagandahang handog ng nakaraan, kundi ipinapakita rin natin ang ating dedikasyon na protektahan ang pamanang simbolo ng tibay at kasaysayan para sa mga susunod na henerasyon.

Itinayo noong 1840s, isa ito sa pinakamatandang gusali sa Taal na dumaan sa iba’t ibang hamon ng kalikasan gaya ng pagputok ng bulkang Taal at mga pagsubok ng modernisasyon. Ang gusaling ito ay bahagi ng mas malawak na kasaysayan ng Taal—isang bayan kung saan ramdam pa rin ang buhay ng nakaraan sa bawat sulok, mula sa mga ancestral houses hanggang sa tradisyon ng pagbuburda na hanggang ngayon ay patuloy na nagbibigay kabuhayan at bumubuhay sa kultura ng munisipalidad.

Kaya tanungin natin muli ang ating sarili: Ano ang halaga ng gusaling ito?
Ito ang puso, alaala, at pagkatao ng bawat Taaleño.

Maraming salamat, at mabuhay ang kasaysayan at kultura ng Taal. Isang luntiang Plipinas sa ating lahat!