Mensahe ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa Araw ng Kagitingan
April 9, 2024Sa ating paggunita sa Araw ng Kagitingan, buong puso tayong magbigay-pugay sa walang kapantay na katapangang ipinakita ng magigiting na Pilipinong lumaban sa Bataan walampu’t dalawang taon na ang nakararaan.
Ang isang demokratiko at malayang bansa na mayroon tayo sa ngayon ay resulta ng dugo, pawis, at walang pag-aalinlangang sakrispisyong kanilang inialay para maipagtanggol ang ating bayan sa mga mananakop, mapanatiling para sa Pilipino ang bansang Pilipinas, at mabuo ang makatarungan at mapayapang lipunan.
Sa paglipas ng panahon, huwag sana nating ibaon ang kanilang kabayanihan sa limot. Atin din kilalanin ang pag-usbong ng mga makabagong bayani na may adhikaing kagaya ng diwang makabayan na ipinakita ng mga bayani nating lumaban sa Bataan – ang mga Overseas Filipino Workers na nakikipagsapalaran sa ibang bansa upang makapaghatid ng kaginhawaan sa kanilang pamilya at makapag-ambag sa ekonomiya; ang ating mga sundalo at kapulisan na tumutugon sa tungkulin sa kabila ng panganib sa kanilang buhay at kaligtasan; ang ating mga lingkod bayan na patuloy na nagseserbisyo para sa kapakanan ng sambayan; ang ating mga guro na walang pagod na nililinang ang mga kabataang Pilipino; ang ating mga kawaning pangkalusugan na tumutugon sa kanilang tungkuling mapanatiling malusog at ligtas ang kalagayan nating lahat at ng komunidad; ang ating mga magsasaka’t mangingisda na nagdadala ng ating pagkain sa hapag-kainan; ang ating mga katutubong patuloy na pinangangalagaan ang ating tradisyon at kultura; at ang mga ordinaryong mamamayan na nagbibigay ng walang kapalit na tulong at pagmamahal sa kapwa. Manatili sanang buhay sa ating diwa ang mensaheng dala ng Araw ng Kagitingan at patuloy sana itong maging tanglaw sa ating patuloy na pagharap sa mga hamon sa buhay nang may determinasyon, katapangan at pagmamahal sa bayan.
Maraming salamat at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!
***