Mensahe ni Senador Loren LegardaWikaharian Launch 2
June 26, 2025Paano na ang kinabukasan ng isang bayan kung ang mga kabataan ay mawalan ng kakayahang bumasa, umunawa, at paganahin ang imahinasyon sa paglikha ng kanilang sariling kuwento?
Sa ating mga guro, mga katuwang sa edukasyon, mga tagapagtaguyod ng kultura, at sa lahat ng ating mga kasama sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng Wikaharian, katuwang ang Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI) at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA), magsilbi sanang hamon ang katanungang aking ibinungad upang mapagnilayan ang ating mga kaya at dapat gawin para sa kabataan.
Bilang tagapagtaguyod ng mga adhikain sa kultura at edukasyon, sinigurado natin na may pondo sa ilalim ng NCCA noong 2019 at 2023 upang maisakatuparan ang Wikaharian, dahil naniniwala akong sa mga programang kagaya nito, hindi lamang natin tinuturuan ang ating kabataan na bumasa, kundi binibigyan natin sila ng kakayahan na linangin ang kanilang pang-unawa, pukawin ang kanilang imahinasyon, at tulungan silang isabuhay ang pagmamahal sa sariling wika at kulturang Pilipino.
Sa mga nakalipas na taon, kinaharap natin ang krisis sa mababang estado ng kakayahan ng ating kabataang bumasa at umintindi base sa naging resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA) at sa inilabas na pag-aaral ng World Bank noong 2024 kung saan 91% ng mga batang Pilipino na sampung taong gulang ay hindi marunong bumasa at umunawa ng isang maikling kuwento na akma sa kanilang edad.
Hindi natin maikakaila ang krisis na ito. Ngunit hindi rin natin isusuko ang kinabukasan ng ating kabataan. Kaya tayo naririto ngayon. Dahil may iisa tayong layunin, ang sikapin na maitaas ang antas ng kakayahan ng ating kabataan at ihanda sila sa mas malaking hamon ng mundo.
Ang mga materyales na ito ay hindi lang basta kuwento at palabas, ito ay nagpapaunawa sa ating kabataan na ang pagbabasa ay hindi pabigat, ito ay bahagi ng kanilang paglalakbay sa pagkilala ng kanilang pagkatao, pagbabalik-tanaw sa kanilang pinagmulan, at pagbuo ng kanilang mga pangarap.
Sa pagdadala ninyo ng Wikaharian sa inyong mga silid-aralan, binibigyan din ninyo ng mahalagang regalo ang bawat kabataan, regalo ng wika, pagkakakilanlan, at pagkakataong higit na maramdamang sila ay bahagi ng ating uwento bilang isang sambayanan.
Sa pamamagitan ng inyong dedikasyon, sipag, at pagkamalikhain sa pagdadala ng mga materyales na ito sa mga kabataan, asahan natin ang mga silid-aralang buhay na buhay sa mga kuwento, awit, pagkatuto, at usapang sumasalamin sa ating pagka-Pilipino.
Ang bawat salita at kataga, bawat kuwentong bayan, at mga piraso ng ating kultura at kasaysayan ay hindi lamang bahagi ng kanilang pagkatuto, ito ay magsisilbing pundasyon ng kanilang pagkatao bilang isang Pilipinong may alam, may dangal, may malasakit, may pagmamalaki, at buong tapang na harapin ang mundong punong-puno ng hamon at pagbabago.
Maraming salamat at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat.