Mensahe ni Senador Loren Legarda Paglulunsad ng Lemlunay: Pagunita sa Gunita ni Alagad ng Sining sa Literatura Virgilio S. Almario | 16 Hulyo 2025 | Old Capitol Building, San Jose de Buenavista, Antique
July 16, 2025Isang makatang hapon sa aking mga kasimanwa at mga kaibigang tulad ko’y may pusong nagmamahal sa sining, wika, at kasaysayan ng bayan.
Nagtipon tayo ngayon upang bigyang pugay ang isang likhang panitikan na hindi lamang kayamanang kultural, kundi bunga ng malalim at malikhaing diwa ng isang katangi-tanging Pambansang Alagad ng Sining.
Ang Lemlunay: Pagunita sa Gunita ay isang aklat na koleksyon ng mga tulang isinulat ng isang tunay na makata at tagapangalaga ng ating wika at kultura, Pambasang Alagad ng Sining para sa Literatura, Virgilio S. Almario. Ngunit, ano nga ba ang Lemlunay?
Sa kulturang T’boli, ang Lemlunay ay nangangahulugang sagradong pook paraiso—isang ng kapayapaan, kasaganahan, at pagbabalik-loob. Isang lupang pinapangarap balikan, hindi man pisikal, ito’y tila alaala na parte ng ating kamalayan.
Sa bawat pahina, nabibigyan ng buhay ang mga gunita ng ating nakaraan—mga kasangkapan, sagisag, at pangarap ng ating bayan.
Sa mundong binago ng teknolohiya, kung saan ang bawat pangungusap ay maaaring mabura, mabaluktot, o mawalay sa tunay na layon, nawa’y muling mapukaw ng aklat na ito ang ating pananabik sa Lemlunay—isang paraisong sumasalamin sa kapayapaan, alaala, kultura at pagka-Pilipino.
Ang pinakamahalagang aral na aking nakuha na nais kong ibahagi sa inyo ay, kung ang 4 ating tunay na hangarin ay masilayan at madama ang inaasam na Lemlunay – kailangan nating kilalanin na ang ating alala ay ang ating lakas, kailangang balikan ang gunita upang marating ang landas tungo sa mas malalalim na pagkilala sa ating sarili at sa ating bayan. Ang ating kinabukasan ay parte at hinubog ng ating nakaraan, kung kaya’t nararapat lamang na atin itong lingunin, bigyan ng kahalagahan, at hayaang maging bahagi ng ating kaisipan, adhikain, at pagkilos sa kasalukuyan.
Sa ating Alagad ng Sining, Virgilio S. Almario, buong pasasalamat sa pagbabahagi ng iyong puso at dunong sa pamamagitan ng bawat makatang katagang iyong isinulat sa mga pahina. Asahan niyong patuloy ang aking suporta sa mga makabuluhang proyekto kagaya nito. Mga proyektong tila imbitasyon sa bawat Pilipino na muling pagnilayan ang ating kasaysayan at kultura upang mas lalong mapalalim ang ating pagkakakilanlan.
Muli, ang aking pagbati sa paglulunsad ng librong Lemlunay. Gabay ang librong ito, patuloy tayong umusad at maglakbay, hindi papalayo kundi pabalik sa ating diwa at pusong tunay na makatao at maka-Pilipino. Duro duro gid nga salamat.