Mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda: 43rd National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week

July 20, 2021

Nais kong ipaabot ang aking pagbati sa aking mga kasimanwa sa pagdiriwang ng 43rd National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.

 

Sa ating patuloy na pagsusulong ng pantay na karapatan at benepisyo para sa bawat Antiqueño ay huwag sana nating ipagsawalang-bahala ang kapakanan ng ating mga kasimanwa na nangangailangan ng dagdag pag-alalay dahil sa kanilang mga dinadalang kapansanan. Ang tunay na pag-unlad ay pagbangon at pag-usad ng isang lipunan nang walang naiiwan at naaapakan. 

 

Nais kong kilalanin ang mga kontribusyon ng ating mga persons with disability, o mga PWDs, sa ating nation building sa kabila ng kanilang kalagayan. Kayo ay mahalagang bahagi ng ating lipunan at kayo ang nagsisilbing  lakas at inspirasyon para sa akin upang lalong pagbutihin ang aking mga tungkulin at patuloy na magtaguyod ng mga batas at programa para sa inyong kapakanan at karapatan.

 

Bilang isa sa may-akda ng Republic Act 11228, batas na nag-amyenda sa Magna Carta for PWDs at naglalayon na magbigay ng mandatory Philhealth coverage sa ating mga kababayang may kapansanan at naglalaan ng special benefit packages para sa health at development needs ng ating PWDs, hinihikayat ko ang ating mga munisipalidad na mas paigtingin ang pag-update ng database ng lahat ng mga persons with disability upang matiyak na matanggap nila ang kaukulang benepisyo na karapat-dapat sa kanila.

 

Nais ko ding ibahagi na maliban sa Philhealth benefits ay may iba pa tayong programa na maaaring ma-avail ng ating mga kasimanwang may kapansanan kagaya ng DOLE TUPAD, DOLE Pangkabuhayan, DSWD SLP, at DSWD AICS. Meron din tayong mga libreng training sa TESDA na bukas para sa ating mga PWDs.

 

Sa pamamagitan ng mga programang ito ay nabibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga kasimanwang may kapansanan na paunlarin ang kanilang buhay at patunayan na sila ay may kakayahan ding hindi dapat balewalain.

 

Kung kaya’t sa ating mga kasimanwang PWDs, katuwang ninyo ako sa patuloy na pagsiguro sa inyong mga karapatan. Asahan ninyong hinding-hindi kayo mapag-iiwanan sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng ating probinsya.

 

Muli, happy 43rd National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.

 

Palangga ko kamo.

 

Kruhay!