Mensahe: Turnover of Barasoian Church in Malolos, Bulacan
September 16, 2020Mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda
Barasoain Church, Malolos, Bulacan
September 15, 2020 | 9:00 AM
*Delivered by NHCP Chair Rene Escalante
Isang magandang umaga sa inyong lahat.
Isang malaking karangalan ang makasama kayo sa natatanging okasyong ito upang pasinayaan ang napaayos na Simbahan ng Barasoain, dito sa makasaysayang bayan ng Malolos, Bulacan.
Nagpapasalamat ako sa NHCP dahil pinanatili nito ang yumi at tatag ng dakilang templong ito ng Pambansang Kasaysayan.
Dahil sa taas ng antas ng pagiging makasaysayan ng Barasoain, dineklara itong National Historical Landmark, ang pinakamataas na karangalan na maihahandog ng Estado sa napakamakasaysayan nitong mga pook. At dahil dito, hindi ako nag-atubili na pagkalooban ng pondo ang kanyang pagpapaayos noong 2019, noong ako ay Senador pa.
Mapalad ang templong ito sapagkat nakaligtas ito mula sa mga digmaan, bagyo, at lindol. Ngunit tulad ng tao, minsan ang tatag ay hindi pangmatagalan. Kinakailangan din nitong makumpuni at mapatatag pang higit sa tulong ng siyensiya at teknolohiya. May napakalaking tungkulin pang gagampanin ang templong ito sa mga susunod na salinlahi: ang manatiling buhay na patotoo na minsan, sa kasaysayan ng buong mundo, ay may isang kolonya na ang pangalan ay Pilipinas na nagnais humilera sa malalaya, nagsasarili, at modernong Republikang demokratiko at may Konstitusyon, at nangyari ang mga ito mismo sa Barasoain. Dito tinipon ang talino na mayroon ang Pilipinas noon upang patunayan sa buong mundo na kaya nating pamunuan ang ating mga sarili, na kaya natin ang itakda ang ating sariling tadhana nang walang pangingialam ng mga banyaga, at ang ibangon ang isang bansa na may paggalang sa mga karapatang pantao at sa diwa ng liwanag at katwiran. Dito pinagtibay ang kalayaang ipinahayag sa Cavite. Dito iniluwal ang ating demokratikong Konstitusyon. Dito isinilang ang unang Republika di lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya. At dito rin pinatunayan ng mga kabataan na kaya nilang mag-alay ng kaya, dahil dito nanumpa ang pinakabata nating naging Pangulo sa Kasaysayan–si Emilio Aguinaldo, noo’y edad 29.
Ipinagmamalaki ko bilang Pilipino ang kasaysayang nakadambana sa templong ito. Lalo pa’t ang aking lolo sa tuhod na si Ariston Gella ay isa sa mga delegado na humabi sa Konstitusyon ng 1899. Bilang isang mambabatas, mananatili ang Barasoain bilang aking inspirasyon na maging mabuting lingkod bayan, alang-alang sa alaala ng mga mambabatas na dito’y nagtipon sa gitna ng ligalig at pangamba, maisulong lamang ang noo’y di na mapipigilang tadhana: ang isilang ang malaya, maligaya, maginhawa, at marangal na bansang Pilipinas.
Isang magandang araw sa ating lahat, at mabuhay tayong lahat.