Mensahe ng Pakikiisa ni Senador Loren Legarda | Ika-150 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Emilio Jacinto | Bantayog ni Emilio Jacinto, Himlayang Pilipino, Lungsod Quezon | 15 Disyembre 2025
December 15, 2025Magandang umaga po sa inyong lahat!
Ngayong araw, ginugunita natin ang ikasandaan at limampung (150) anibersaryo ng kapanganakan ni Emilio Jacinto- isang kabataang ang talino, prinsipyo, at paninindigan ay naging haligi ng ating rebolusyon at patuloy na gabay ng ating bayan.
Si Jacinto, ang Utak ng Katipunan, ay hindi lamang naging intelektwal na lakas ng rebolusyon, sapagkat siya rin ang humubog sa pilosopiya na bumuo ng isang makatarungan at marangal na lipunan. Sa katunayan, si Jacinto ang naging konsensya nito. Sa kanyang Kartilya ng Katipunan, malinaw niyang itinakda ang pamantayan ng isang makabayan: may dangal, may malasakit sa kapwa, at handang ialay ang sarili para sa kapakanan ng sambayanan.
Ang mga aral na ito ay hindi naluluma. Higit pa sa mga pahina ng kasaysayan, dapat nating alalahanin si Emilio Jacinto bilang isang kabataang may tanong at pananampalataya, may malalim na pagninilay at may diwang tunay na makabago para sa kanyang panahon. Kung nabubuhay siya sa kasalukuyang panahon, tiyak na magiging matatag na tinig siya laban sa katiwalian, kasinungalingan, at kawalang-pakialam, isang tagapagtanggol ng katotohanan at katarungan sa gitna ng ingay ng social media, modernong teknolohiya, at mabilis na pagkalat ng impormasyon.
Sa kanyang Liwanag at Dilim, hinamon tayo ni Jacinto na piliin ang liwanag ng katotohanan laban sa dilim ng kamangmangan at kasinungalingan. Sa ating panahon, ang laban na ito ay makikita sa pagharap sa misinformation, historical distortion, at online polarization. Kaya’y higit kailanman, tungkulin natin na igalang ang katotohanan at ipagtanggol ang kasaysayan.
Sa larangan ng pampublikong serbisyo atnpamahalaan, pinanindigan ni Jacinto na ang tunay na lider ay hindi ito nasusukat sa kapangyarihan kundi sa integridad. Sa panahong ikinahaharap natin – sa gitna ng usapin ng katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, at kawalan ng tiwala sa mga institusyon – paalala si Jacinto na ang pamumuno ay isang pananagutan at hindi pribilehiyo ng iilan. Ang katapatan, paglilingkod sa kapwa, at pagsunod sa katotohanan ay hindi opsyonal; ito ang nararapat na saligan ng pamahalaan.
Si Emilio Jacinto ay sumapi sa Katipunan sa edad na labing-walo, at pumanaw sa edad na6 dalawampu’t tatlo. Maikli ang kanyang buhay, ngunit napakalawak ng kanyang
naiambag.
Bilang Tagapangulo ng Komite sa Kultura at Sining sa Senado, aking sinuportahan ang Pingkian: Isang Musikal, isang makapangyarihang dula na muling nagpasigla sa buhay at diwa ni Emilio Jacinto. Sa sining at musika, mas napalapit sa ating mga kabataan ang kanyang mga adhikain at sakripisyo – patunay na ang kasaysayan ay hindi lamang binabasa, kundi isinasabuhay at ipinapasa sa susunod na henerasyon.
Ang hamong nais kong iwan sa inyo, lalo na sa kabataang Pilipino: paano natin gagamitin ang talino, galing, at tapang upang ipagtanggol ang bayan laban sa bagong anyo ng pang-aapi na bumabalot sa lipunan? Mariing pagnilayan ito sa pakikitungo ninyo sa silid-aralan, tahanan,
at sa lahat ng komunidad na inyongmkinabibilangan.
Sa paggunita natin kay Emilio Jacinto, nawa’y ipagpatuloy natin ang diwa ng Kartilya, ang mamuhay nang marangal, may paggalang sa kapwa at may pusong walang sawang paglilingkod ng tapat para sa Inang Bayan. Nawa’y piliin natin ang liwanag – sa ating mga desisyon, sa ating pamumuno, at sa ating paglilingkod sa bayan.
Mabuhay si Emilio Jacinto.
Mabuhay ang kabataang Pilipino.
Mabuhay ang sambayanang Pilipino.
Isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!
