Mensahe: Kumperensiya sa Epikong-Bayan ng Filipinas
August 30, 2018Mensahe ni Senador Loren Legarda
Kumperensiya sa Epikong-Bayan ng Filipinas
Ika-30 ng Agosto 2018
National Museum of Natural History, Lungsod ng Maynila
Isang maganda at makasaysayang umaga sa inyong lahat.
Binabati ko po ang mga kalahok sa kumperensiyang ito at ako ay natutuwang malaman na marami ang may interes sa ganitong aktibidad.
Sabi nga ng ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Tagapangulo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Ginoong Virgilio Almario, ang ating gawain ngayon ay isang pagtuklas sa ating sarili.
Ang ating mga epikong-bayan ay sumasalamin sa malawak at makulay na kasaysayan ng mga pangkat-etniko bago pa ang pananakop ng mga dayuhan. Kapag pinagtagni-tagni, ito ay mahalagang bahagi ng mayamang kultura at kasaysayan ng Filipino.
Ako po ay isang tagataguyod ng sining at kultura, at sa bawat proyekto o programa na aking pinasimulan at sinuportahan, lalong nadaragdagan hindi lamang ang aking kaalaman ngunit maging ang mga katanungan sa aking isipan. Bawat programang aking isinusulong ay nagbubukas ng mga bagong pinto ng pagtutuklas.
Noong itinayo natin ang kauna-unahang permanenteng textile gallery sa Pambansang Museo, ang Hibla ng Lahing Filipino, natuklasan natin ang kahulugan ng mga habi ng iba’t ibang pangkat-etniko, na ang bawat hinabing tela ay hindi lamang kasuotan dahil ito ay naglalaman ng kasaysayan at tradisyon. Nagbunga ito ng iba pang mga proyekto tulad ng Lecture Series on Philippine Traditional Textiles and Indigenous Knowledge at ang Hibla ng Lahing Filipino Travelling Exhibition. Natuklasan din natin na ang ating Pambansang Bayani, Dr. Jose Rizal, ay may sariling textile collection na ibinigay niya sa kaniyang kaibigan, si Dr. Adolf Bastian na isang German ethnologist at nagtatag ng Berlin Ethnological Museum. Inaasahan natin na maipakita ang koleksiyong ito sa ating Pambansang Museo sa taong 2020.
Itinayo rin natin ang Baybayin: Ancient and Traditional Scripts of the Philippines Gallery. Ito ay isang permanenteng eksibisyon kung saan makikita ang mahahalagang artifacts na naglalaman ng lumang kasulatan tulad ng Laguna Copperplate, ang Calatagan Pot, ang Intramuros Pot Shard at Monreal Stones. Bahagi ng proyekto ay ang pagsasagawa ng Baybayin Conference sa National Museum upang mapalawig ang kaalaman tungkol sa kahalagahan ng baybayin.
Upang lalo pang maisulong ang paggamit ng Baybayin, naghain ako ng isang panukalang batas tungkol dito na naglalayong itaguyod at pangalagaan ang baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat. Layunin nito na gawing common o karaniwan ang baybayin.
Kapag ito ay naisabatas, makikita natin ang mga katumbas sa baybayin ng mga pangalan ng mga lokal na produkto; mga signage para sa pangalan ng mga kalsada at mga pampublikong pasilidad tulad ng ospital, paaralan, police stations, community centers, government halls, at iba pa; at maging ang pangalan ng mga diyaryo at magasin.
Sa katunayan, baybayin ang ginamit sa mga tekstong nakasulat sa ating mga Bantayog-Wika na nakatayo na sa walong lalawigan sa ating bansa. Ang Bantayog-Wika ay isang proyekto na naglalayong isamonumento ang mga katutubong wika ng bansa sa pamamagitan ng mga pisikal na estrukturang sasagisag sa halaga ng mga wikang katutubo bilang baul ng yaman ng katutubong kaalaman, halagahan, gawi, tradisyon, at kasaysayan ng mga Filipino.
Mayroon din tayong Dayaw TV series. Nag-umpisa ito sa aking pagnanais na maipamalas sa mga Filipino ang iba’t ibang aspeto ng ating kultura. Naka-limang yugto o season na ang Dayaw TV at nakapaglatag na tayo ng hanggang labingdalawang yugto. Ngunit sa dami ng kuwento na nais nating ibahagi, gumawa na rin tayo ng libro ng Dayaw na naglalaman ng mga maiikling artikulo at larawan ng mga natatanging indibidwal na aming nakapanayam sa pamamagitan ng TV series.
Napakarami pa nating inisiyatiba para sa pangangalaga at pagtataguyod ng ating kultura at sa bawat programa ay lalong dumarami ang ating natutuklasan at lumalalim ang pag-unawa sa ating mga tradisyon.
Ganoon din ang layunin natin sa kumperensiyang ito—ang makilala ang ating mga epikong-bayan at mag-umpisa ng diskurso upang mapalawak ang ating pagsasaliksik. Ayon kay Ginoong Almario, maging ang bilang ng epikong-bayan ay kailangan rin iwasto dahil sa pagkakaiba-iba sa pamantayan sa pagkilala sa mga ito.
Umpisa pa lamang ang kumperensiyang ito, dahil batid ko na ito ay magbubunga ng marami pang programa upang mas mapalawak natin hindi lamang ang ating pag-unawa sa mga epikong-bayan ngunit maging sa pagkilala sa ating mga tradisyon at kultura.
Nais ko ang isang matagumpay at mabungang pagtitipon. Maraming salamat.