Mensahe: Kalayaan 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan

June 12, 2018

MENSAHE NI SENADOR LOREN LEGARDA
Ika-120 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan
Dambana ng Pinaglabanan, San Juan City

“Kalayaan 2018: Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan”

Isang siglo at dalawampu’t taon na ang nakakaraan mula ng una nating nakamit ang ating kalayaan mula sa mga dayuhang nanakop sa ating bayan. Noon, sa loob din ng mahigit na tatlong siglo, ipinaglaban natin ang kalayaan, upang magkaroon ng kasarinlan at ng sariling pamahalaan.

Naging matagumpay ang pakikipaglaban ng ating mga ninuno, kabilang man sa kilalang hukbo ng mga Katipunero o hindi, kung kaya’t ngayon ay may pagkakataon tayong gunitain ang yugtong iyon sa ating kasaysayan sa tuwing sasapit ang ikalabing-dalawa ng Hunyo. Ang Bantayog ng Pinaglabanan ay iisa lamang sa maraming makasaysayang lugar sa ating buong bansa na kumakatawan at sumisimbolo sa tapang at lakas ng loob ng mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay at dangal upang makamit natin ang kalayaang matagal nating hinangad.

Mula noon ay maraming pagbabago na ang nangyari sa ating lipunan, maging sa alin mang aspeto ng ating pamumuhay bilang isang bayan at isang lahi – sa ekonomiya, pulitika, sa ating karapatang-pantao, pamumuhay, imprastraktura, teknolohiya, at iba pa. Maging ang ating pakikitungo sa mga bansa at dayuhang minsang sumakop at sumiil sa ating kalayaan at karapatan – ang mga Español, Amerikano at Hapon – ay siya ngayon ang ating kaagapay at nagbibigay-tulong sa mga programa ng ating pamahalaan para sa ikauunlad ng ating bayan at ikabubuti ng ating mga mamamayan.

Ang pagbabago sa ating lipunan ay isang bagay na hindi mapipigilan ninuman.

Ngunit ang mga pagbabago, tungo sa ating pagiging maunlad at masagana, ay nararapat na siguraduhin na hindi kailanman maging dahilan upang ang karapatan at kapakanan ng ating mga mamamayan ay maaapakan, o di kaya ay may isang sektor ng lipunan na tila ay mapapabayaan.

Sa panahon ng industriyalisasyon at pagkakaroon ng mga makabagong makinarya, huwag sanang maiiwan ang pag-unlad ng kabuhayan ng ating mga magsasaka at mga mangingisda at kanilang mga pamilya na patuloy pa rin na hindi makaahon sa hirap, dulot ng mababang kita sa pagsasaka, kakaunting ani o huli.

Sa panahon ng makabagong teknolohiya at ng internet, huwag sana natin kalimutan na marami pa ding pamilyang Pilipino sa mga malalayo at liblib na lugar na namumuhay ng walang kuryente, walang mga gamit tulad ng telebisyon o radio na sana ay hindi lang makakapagdala ng balita, kung hindi maging paraan upang sila ay mamulat sa mga pangyayari sa ating paligid, at matuto na rin tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay.

Sa panahon din ng internet na ang impormasyon at kaalaman ay tila agad-agad na makukuha sa pamamagitan lamang ng pagpindot sa ating mga telepono o di kaya ay sa ating mga kompyuter, maraming kabataan pa din ang kinakailangang tumawid ng bundok, parang o ilog para lamang matutunan ang A-BA-KA-DA at makapagbilang ng “isa, dalawa, tatlo.”

Sa kabi-kabilang pagtatayo ng mga malls, shopping centers, at restaurants o di kaya ay mga resorts at mga hotel, sa ngalan ng turismo, nakakaligtaan nating isipin ang pahirap na idinudulot nito sa ating kalikasan at sa ating mga likas na yaman. Ang “instant lifestyle” na ating kinagisnan at kinasanayan ay, sa kasamaang-palad, nagdulot ng kapabayaan sa ating kapaligiran at sa ating kalikasan – tone-toneladang plastik at basura ang ngayon ay problema ng ating mga lokal na pamahalaan.

Sa panahon ng globalisyasyon kung saan ang impluwensya ng mga dayuhang lahi sa ating pamumuhay sa araw-araw, huwag sana nating kakalimutan ang ating nakaraan, ang ating kasaysayan, sariling kultura, sining at pagkakakilanlan. Mas dapat nating piliing pagyamanin ang mga ito upang mas maging matatag ang ating kumpyansa at tiwala sa lahing Pilipino.

Hindi ko nais sabihin na huwag nating tangkilikin ang pagbabago at pagiging moderno. Nais ko lamang ipaalala sa ating lahat na ang mga pagbabagong ating isinusulong ay nararapat, at dapat natin itong siguruhin sa paraan na ating makakaya, na bawat isang Pilipino ay magkakamit ng benepisyo sa lahat ng ito – pantay-pantay at walang mapag-iiwanan.

Ito marahil ang isang mahalagang hamon sa aming mga lingkod-bayan, maging nasa nasyonal o lokal na pamahalaan – ang maiparating sa kadulu-duluhang bayan ng ating bansa, sa parte ng national government, o di kaya naman ay sa kasuluk-sulukang barangay ng mga lokal na pamahalaan, ang mga programa at proyektong naglalayong iangat ang antas ng buhay ng ating mga mamamayan.

Bilang Senador at Chairman ng Senate Committee on Finance sa loob ng nakaraang limang taon, alam ko na mayaman sa pondo ang ating pamahalaan. Hindi totoong walang pondo ang mga ahensya ng gobyerno kung kaya’t: kulang ang mga silid-aralan ng mga eskwelahan; sira-sira ang mga kalsada, tulay at daan; walang libreng gamot o medical supplies para sa mga may sakit; walang pondo para sa irigasyon ng mga magsasaka o pambili ng mga bangka at lambat para sa mga mangingisda; walang pondo para sa mga pabahay ng mga nasalanta ng kalamidad, at marami pang mga “wala” o “kulang”.

Kung kaya’t sa abot ng aking makakaya, siniguro ko na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga sumusunod:

1) tulong-pinansyal o subsidy ang pamahalaan upang ang irigasyon ay maging libre para sa ating mga magsasaka;

2) programang pang-kabuhayan tulad ng DOLE-TUPAD, Government Internship Program, pagtataguyod ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), sustainable livelihood program o SLP, at ang 4Ps sa ilalim ng DSWD, Training for Work Scholarship Program (TWSP) sa ilalim ng TESDA, Barangay livelihood and Skills Training Act para sa mga mahihirap na barangay;

3) programang pang-kalikasan tulad ng pagpapatupad ng Clean Water Act, Ecological Solid Waste Management Act, National Greening Program;

4) programang magtataguyod ng renewable energy (RE) sources at mga katulad na teknolohiya;

5) pagpapatuloy na programang pangkalusugan sa ilalim ng Philhealth, at pagpapasa-ayos ng mga lokal na ospital at pagamutan, at pagtataguyod ng nutrition program na tinatawag na “First 1000 Days” para sa mga nanay, mga bagong-panganak na sanggol hanggang sa sumapit sila ng ika-tatlong taong-gulang sa ilalim ng National Nutrition Council;

6) programang pang-edukasyon katulad ng School feeding program ng DepEd, pati na rin ang pagtaas ng chalk allowance ng ating mga guro, na ating tataasin pa din sa halagang P5000 sa susunod na taon. Huwag din nating kalimutan ang Free Tertiary Education, sa mga state colleges and universities at mga local universities and colleges; at

7) Programang pang-kultura na magpapamalas ng talento at pagiging malikhain ng ating mga entrepreneurs, artists, sa pamamagitan halimbawa ng National Arts and Crafts Fair na magpapakita din ng mga talento at produkto ng ating mga katutubo. Kayong lahat ay iniimbita kong bumisita sa NACF na isasagawa sa Megamall Trade Hall 1-3 umpisa sa June 14 hanggang 17. Nawa ay sama-sama nating tangkilikin ang sariling atin.

Ito ay ilan lamang sa mga napakaraming programa ng ating pamahalaan na hinahangad nating magdudulot ng positibong pagbabago sa ating lipunan, sa pamamagitan ng paglaban sa kahirapan at kamangmangan, pagtataguyod ng ating mga karapatang-pantao, pagpapabuti ng ating kalusugan, pangangalaga sa ating kalikasan, pag-iingat sa ating mga likas-yaman, pagpapayaman ng ating sining at kultura, at marami pang iba.

Nasa bawat isa sa atin ang responsibilidad na siguruhin na ang lahat sa ating lipunan ay kasama natin sa pagkamit ng tunay na pagbabagong makapagbibigay ng isang masaganang bukas para sa lahat ng mga Pilipino.

Magandang araw sa ating lahat at maraming salamat po!