Mensahe: Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-Samang Balikatin
June 12, 2017Mensahe ni Senador Loren Legarda
Ika-119 na Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas
“Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-Samang Balikatin”
ika-12 ng Hunyo 2017 | Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan
Isang maganda at mapagpalang umaga po sa inyong lahat. Isang karangalan sa akin na maimbitahan at pangunahan ang pagdiriwang ng ika-isangdaan at labing siyam na taong anibersaryo ng proklamasyon ng ating kalayaan dito sa makasaysayang bayan ng Malolos sa lalawigan ng Bulacan.
Simula ng ating makamtan ang ating kasarinlan ay dumaan sa iba’t ibang pagbabago ang ating bayan—iba’t ibang pinuno, iba’t ibang pagsubok, iba’t ibang desisyon na patuloy na sumusubok, nagpapatatag, at bumubuo sa ating bansa.
Ang Simbahan ng Barasoain ay simbolo ng pagbabago. Ang mga kaganapan sa makasaysayang lugar na ito—ang pagpupulong ng Unang Kongreso ng Pilipinas, ang pagbalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, at ang pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas—ay mga hudyat ng panibagong simulain na patuloy na bubuhay sa gusaling ito.
Ang tema sa ating pagdiriwang ngayon ay “Pagbabagong Sama-Samang Balikatin.”
Sa ating watawat ay naka-ukit ang walong sinag ng araw na kumakatawan sa walong bayan na namuno sa pakikipagdigma sa banyagang mananakop. Simbolo ang araw ng liwanag na gumabay sa atin patungo sa kasarinlan. Ngunit hindi mabubuo ang kalangitan kung wala ang mga bituin na patuloy na magliliwanag maging sa pinakamadilim na yugto ng ating kasaysayan. Ang tatlong bituin na sumasagisag sa Luzon, Visayas at Mindanao ang patuloy na magpapaalala sa atin na tayo ay iisang bansa, may pagkakaiba man sa kultura, pananalita, tradisyon, paniniwala, tayo ay patuloy na pagbubuklurin ng ating kasaysayan bilang Filipino.
Kamakailan ay inilunsad ang Philippine Development Plan ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay ang balangkas na gagabay sa inaasahang tuluyan at pangkalahatang pag-unlad ng ating bansa. Binubuo ito ng tatlong haligi—Pagbabago, Patuloy na Pag-Unlad, at Malasakit.
Sa tatlong haliging ito, masasabi ko na malasakit ang pinakamahalaga. Dahil kung tayo ay may malasakit sa ating kapwa, sa ating trabaho, sa ating kalikasan, sa ating bansa, ay magkakaroon ng pagkakaunawaan. Ang malasakit ay isang napakagandang salitang Filipino na nangangahulugan nang pagbibigay ng kahalagahan sa kapakanan hindi lamang ng sarili kundi ng ibang tao at nilalang.
Ang ating mga bayani, walang duda na lahat sila ay matatapang. Ngunit malasakit sa taumbayan, kapwa at sa Inang Bayan ang nagpatatag sa kanilang adhikain na tuluyang makamtan ang ating kalayaan.
Ngayon, malasakit din ang isa sa mga haligi ng ating pag-unlad.
Ang ating bansa ay mayaman sa kultura mula sa iba’t ibang lalawigan at mahigit isangdaang pangkat-etniko. Iba’t ibang tradisyon, kaugalian, sining, alamat, paniniwala—lahat ng ito ang bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang Filipino.
Mahirap, ngunit hindi imposible na makamit natin ang tuluyan at pangkalahatang pag-unlad. Hindi dapat maging hadlang ang pagkakaiba-iba sa pagkakaisa. Ito ay instrumento upang lalo pang pagyamanin ang ating kalinangan at pamana. Pagbubuklurin tayo ng ating pagkakaiba-iba kung may pagkakaunawaan at pag-aalang-alang. Saan man ang ating pinanggalingan, lahat tayo ay pinag-isa ng ating masalimuot na kasaysayan ng kolonisasyon at ng lumaon ang tagumpay na pakikibaka patungo sa kalayaan na ngayon ay ating ginugunita.
Mahaba pa ang ating kasaysayan, marami pang mga hamon at suliranin ang patuloy na susubok sa ating demokrasya at soberenya. Ngunit kung sama-sama natin itong babalikatin, patuloy na sisikat ang araw at magniningning ang mga bituin sa ating watawat. Tayong lahat ay Filipino, ito ang yaman at pamana na ating tinanggap nang iproklama ang ating kalayaan isangdaan at labing siyam na taon na ang nakakaraan.
Maligayang Araw ng Kalayaan sa ating lahat! Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang sambayanang Filipino!