Mensahe: Ika-125 na Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos
September 15, 2023Mensahe ni Senate President Pro Tempore
Loren Legarda
Ika-125 na Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos
September 15, 2023 | 8AM
Barasoain Church,Malolos, Bulacan
Malugod kong binabati ang lahat ng naririto sa ating pagdiriwang ng ika-isandaan at dalawampu’t limang Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos sa pangunguna ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at ng Lalawigan ng Bulacan.
Ang araw na ito ay isang espesyal na pagkakataon upang ating sama-samang balikan ang kasaysayan at tagumpay ng ating bayan na siyang humubog sa ating pagkakakilanlan bilang isang bansa. Ang Kongreso ng Malolos ang nagbigay daan para sa kinabukasang puno ng pag-asa at kasarinlan. Ito ang naging simula ng pagkakabuo ng mga mahahalagang batas na ating sinusunod sa kasalukuyan. Ito ang naging hudyat upang ating mapagtibay ang ating mga karapatan.
Maliban sa pagkakabalangkas ng Konstitusyon ng Pilipinas, nais ko ring kilalanin ang mahalagang papel ng Kongreso ng Malolos sa ratipikasyon ng Araw ng Kalayaan, at ang pagkakatatag ng pinakaunang Philippine State University, ang Universidad Literaria de Filipinas.
Ang pagdiriwang na ito ay napakalapit sa aking puso, sapagkat maliban sa pagiging Pilipino, lubos din ang aking pagmamalaki na ang aking lolo sa tuhod, lolo ng aking ina, na si Ariston Gella, ang pinakaunang parmasyutiko ng Probinsya ng Antique, ay isa sa mahahalagang miyembro ng Kongreso ng Malolos na bumalangkas ng pinakaunang Konstitusyon ng Pilipinas.
Ito ay isang karangalan na habambuhay kong panghahawakan, dahil ito ay isang bahagi ng kasaysayan na naging mahalaga ang papel sa pag-usbong ng isang malaya at matatag na lipunan.
Upang maibalik ang karangalang ito sa Lalawigan ng Bulacan, sa aking kakayahan bilang lingkod-bayan, sinuportahan natin ang pagpapaayos ng Barasoain Church, na naging tahimik na saksi ng pagsisimula ng Kongreso at nag-aalab na pagmamahal ng mga miyembro nito sa ating kasarinlan.
Maliban pa dito ay naglaan din tayo ng kaukulang budget para sa iba’t-ibang programa sa pagsasaayos ng mga daan sa lalawigan. Sinuguro din natin na makakatanggap ang mga kababayan nating Bulakenyo ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at pangkabuhayan sa pamamagitan ng DOLE Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) lalo na sa panahon ng kalamidad.
Bilang ambag naman natin sa patuloy na pag-preserba ng makulay na kasaysayan ng bansa, ating iniakda at naisabatas ang Republic Act 11961 o ang Cultural Mapping Law. Ito’y magbibigay daan upang masuri, maunawaan, at maiparating sa mas nakararami, lalo na sa mga bagong henerasyon, ang kahalagahan ng bawat yugto ng ating nakaraan sa pagbuo ng pundasyon para sa isang matatag na bansa.
Nais ko ding himukin ang mga kapwa kong tagapagtaguyod ng kultura na mas paigtingin ang pagpapalaganap ng kaalaman sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa ating kasaysayan. Ilang programa na rin ang aking matagumpay na naisagawa katuwang ang NHCP at ang ating mga kaibigang historyador, kagaya ng Road to 500 at Kasaysayang Lokal Mo o KASALO Mo. Mga programang nagtatalakay ng kasaysayan at kultura. Sa pamamagitan ng mga programang ito, makakapagbigay tayo ng dagdag kaalaman at mas maipaintindi sa ating mga kababayan ang kahalagan ng kasaysayan.
Malayo na ang narating ng ating mahal na Pilipinas magmula ng unang maitatag ang Kongreso ng Malolos at maisakatuparan ang Kalayaang inaasam. Subalit, nananatili pa rin ang patuloy na pakikipaglaban natin para sa mas makatarungan at progresibong lipunan.
Ang mga pinaghirapan ng mga kababayan natin sa nakaraan ay hindi natin hahayaang mawalan ng halaga sa kasalukuyan. Ang Kongreso ng Malolos ay isang patunay kung gaano kahalaga ang kasaysayan, at gaya ng tema ngayong taon, naging matibay siya na “Saligan sa Pagsulong ng Nagbabagong Panahon.”
Ang araw na ito ay isang mahalagang paalala sa atin na ang kalayaan ay hindi lamang handog mula sa nakaraan kundi isang responsibilidad na ipinasa sa atin upang pag-ingatan at patuloy na ipaglaban para sa mga bagong henerasyon na magmamana nito.
Gamitin natin ang pagdiriwang na ito upang mas pagtibayin ang ating nag-iisang tinig at kolektibong pagtataguyod ng isang malayang Pilipinas.
Maraming salamat po. Sa muli, maligayang pagdiriwang ng ika-isandaan at dalawampu’t limang anibersayo ng Kongreso ng Malolos at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!