Mensahe: Bantayog Wika ng KWF sa Ifugao

March 26, 2018

Mensahe ni Senador Loren Legarda*
Bantayog Wika ng KWF sa Ifugao
Ika-26 ng Marso 2018 | Lamut, Ifugao

*Binasa ng kinatawan

 

Isang mainit na pagbati at pagpupugay sa lahat na naririto.

 

Ipinaparating ng ating mahal na Senador Loren Legarda ang kaniyang lubos na kagalakan na maanyayahan sa mahalagang pagtitipong ito gayundin ang kaniyang panghihinayang sa hindi pagdalo dahil siya ngayon ay nasa Geneva, Switzerland bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa Inter-Parliamentary Union Assembly.

 

Sa halip ay ipinadala niya ang inyong lingkod bilang kaniyang kinatawan upang ipahatid ang kaniyang mensahe:

 

Mayaman at sagana ang ating bansa sa kultura at wika. Mayroon tayong mahigit isang-daang wika na karamihan ay nagmula sa iba’t ibang grupo ng mga katutubo sa ating bansa.

 

Ang mga wikang ito ang nagpapatunay ng mayamang kultura ng ating bansa. Kaya naman mahalaga na pangalagaan natin ang mga ito.

 

Ayon sa United Nations, ang mga wika ang pinakamakapangyarihang kasangkapan upang mapangalagaan at paunlarin pa ang mga materyal at di-materyal na pamanang pangkultura o ang ating tangible and intangible cultural heritage.

 

Ang nakakalungkot, may mga katutubong pamayanan na pinipiling abandunahin, kung hindi man hinahayaang makalimutan, ang kanilang kinagisnang wika dahil sa pag-aakalang mas madaling maging bahagi ng komunidad kapag Filipino o Ingles ang kanilang wikang gamit.

 

Kung hindi natin mapangangalagaan at maitataguyod ang mga katutubong wika, kasamang maglalaho ng wika ang kulturang kinababahaginan nito.

 

Kaya naman ako ay nagpapasalamat sa Komisyon sa Wikang Filipino, sa pamumuno ng ating National Artist at siya ring pinuno ng National Commission for Culture and the Arts, Virgilio S. Almario, sa proyektong Bantayog-Wika.

 

Ang Bantayog-Wika ay isang proyekto na naglalayong isamonumento ang mga katutubong wika ng bansa sa pamamagitan ng mga pisikal na estrukturang sasagisag sa halaga ng mga wikang katutubo bilang baul o siyang sisidlan ng yaman ng katutubong kaalaman, kahalagahan, gawi, tradisyon, at kasaysayan ng mga Pilipino. Bawat bantayog ay katatagpuan ng mga katutubong katangian ng sinasagisag na kultura.

 

Nagpapasalamat din ako sa isang napakagaling na artist na si Junyee sa pagdisenyo ng ating mga Bantayog-Wika.

 

Ang unang Bantayog-Wika sa ating bansa ay pinasinayaan noong ika-isa ng Marso sa probinsiya ng Antique para sa wikang Kinaray-a. Ngayon naman ay nandito tayo sa bayan ng Lamut upang pasinayaan ang ikalawang Bantayog-Wika para sa wikang Tuwali ng mga Ifugao. Marami pang Bantayog-Wika ang itatayo natin sa bansa upang mapalaganap ang kaalaman tungkol sa ating mga katutubong wika.

 

Nais din natin magkaroon ng mga language tours lalo na kung saan may mga Bantayog-Wika upang mas mapalawak ang kaalaman tungkol sa ating mga wika sa mga kabataan at mga turista.

 

Sa pagtatapos, hinihikayat ko kayong lahat na pangalagaan ang ating pamanang pangkultura. Nawa ang Bantayog-Wika na ito ay maging simbolo ng patuloy na pagtataguyod sa ating kultura at maging inspirasyon na lalo pang gamitin, ipalaganap at pagyamanin ang wikang Ifugao.

 

Maraming salamat at magandang hapon sa inyong lahat.