Liga ng mga Barangay Night
March 17, 2013Senator Loren Legarda
Liga ng mga Barangay Night
San Fernando City, La Union
17 March 2013
Naimbag nga rabii yo apo!
Nagpapasalamat po ako sa inyong pag-imbita sa akin sa gabing ito. Malugod kong binabati ang mga lokal na lider ng San Fernando City na narito ngayong gabi. Bibigyang diin ko lamang po na bilang mga lider ng mga barangay, kayo ay may mahalagang responsibilidad sa inyong mga nasasakupan, at kayo ang kanilang lubos na maaasahan na makaintindi ng kanilang mga hinaing at pangangailangan.
Malugod ko ring binabati ang mga residente ng siyudad. Nawa’y ipagpatuloy ninyo ang magandang pagsasamahan sa inyong komunidad, at panatilihin ang mahusay na pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal para inyong kapayapaan at kasaganahan.
Ang pagdiriwang natin ngayong gabi ay simbolo ng ating pagkakaisa. Bilang isang senador at mamamayan ng ating bansa, katuwang ninyo ako sa pagbuo ng komunidad na magiging mabuting ehemplo para sa lahat ng Pilipino.
Hayaan po ninyo akong ibahagi sa inyo ang ilan po sa aking mga nais gawin pa para sa ating bansa.
Gusto ko pong siguraduhin ang kalusugan para sa lahat. Inaasahan po natin ang pagpasa ng ating ginawang Universal Healthcare Coverage Bill. Sisiguraduhin ko po na maisasabatas ito dahil nais natin masiguro na lahat ng dalawampu’t limang (25) milyong pinakamahihirap na Pilipino ay magkakaroon ng benepisyong pangkalusugan mula sa Philhealth.
Una, ang gusto po natin ay wala ng nanay na mawawalan ng anak na maysakit dahil kulang ang perang pangpa-ospital; wala ng mister na mawawalan ng misis sa panganganak dahil hindi nabigyan ng sapat na serbisyong pangkalusugan; at wala ng anak na mawawalan ng magulang dahil walang pera pang-opera.
Kapag naisabatas na ito, lahat ng Pilipino ay siguradong mayroon ng benepisyong pangkalusugan at pangpa-ospital mula sa Philhealth.
Pangalawa, gusto rin po natin na mabigyan ng higit na pagkakataon ang kabataang Pilipino na makapagtapos sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga college scholarship programs.
Ang gusto po natin ay bawat pamilya, lalo na iyong mahigit tatlong milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ay magkakaroon ng kahit isang anak na nakapagtapos sa kolehiyo ng libre.
At siyempre po, hindi natin pwedeng makalimutan ang kapakanan nila lolo at lola. Kaya hinihikayat ko po lahat ng ating senior citizens na gamitin ang kanilang pribilehiyo sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act na ginawa po natin.
Sa ilalim ng batas na ito, sinigurado po natin na hindi maaapektuhan ng VAT ang mga benepisyo ng senior citizens at makukuha ng mga Pilipinong edad animnapung (60) taon pataas ang buong bente porsyentong diskwento sa mga bibilhin nilang gamot, pagkain, at iba pang serbisyo.
At dahil ang lakas at tibay ng ating bansa ay nagsisimula sa ating mga pinakamaliliit na lokal na komunidad, tayo po ay may mga programang nakatuon sa pagpapaunlad ng barangay.
Muli ko pong ilulunsad ang LOREN sa Bawat Barangay na ang ibig sabihin po ay Livelihood Opportunities to Raise Employment Nationwide. Ito po ay ang pagkonsulta sa iba’t ibang sektor kung paano mapapalawak ang oportunidad para sa trabaho at kung paano maitataas ang antas ng kabuhayan. Ito’y programa ko pa noong una kong termino at bubuhayin kong muli. Nagawa ko na po ang apat na batas na siyang makapagbibigay ng katuparan sa programang ito:
• Una, ang Public Employment Service Office (PESO) Law na tumutulong sa mga naghahanap ng trabaho lalo na yung mga bagong graduate. Maaaring magtanong o kumonsulta sa ating mga PESO officers kung ano ang mga job openings sa inyong lugar at kung ano ang akma sa inyong kakayahan.
• Pangalawa, ang Agri-Agra Reform Credit Act para tulungan ang sektor ng agrikultura dahil ang dalawampu’t limang porsiyento (25%) ng mga pinapautang ng bangko ay dapat para sa agrikulturang sektor, sa mga mangingisda at magsasaka.
• Pangatlo, ang Barangay Kabuhayan Act na nagbibigay sa TESDA ng mandato na gumawa ng skills training center sa ating mga barangay.
• Pang-apat ay ang Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) na nagbibigay ng kapital at tulong sa mga maliliit na negosyo lalo na sa kanayunan.
Kasama po sa LOREN sa Bawat Barangay ang pagsasagawa ng mga jobs fair kung saan mas madaling maisasagawa ang job matching.
Isa rin sa mahalagang elemento nito ay ang pagsasagawa ng disaster risk reduction (DRR) workshops na tutulong upang malaman ng mga barangay kung paano maililigtas at maihahanda ang ating mga komunidad laban sa mga sakuna at kalamidad. Ito po ay importante dahil malaki ang epekto ng mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, pagbaha at landslide sa ating buhay at kabuhayan.
Marami pa po tayong kailangang gawin. At mahalaga na pagtuunan ng pansin ang ating mga barangay dahil ang pag-unlad ng bawat isang barangay ay napakalaking kontribusyon sa kabuuang pag-unlad ng ating bansa.
Sa lahat po ng mga barangay leaders, sana po ay makasama ko kayo sa patuloy at taus-pusong paglilingkod para sa kapwa natin Pilipino.
Dios ti agngina kadakayo amin apo.