Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias First Anniversary Celebration
November 15, 2012Keynote Speech
Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias First Anniversary Celebration
General Trias Cultural/Convention Center
November 15, 2012
Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pag-imbita sa akin upang makiisa sa mahalagang pagdiriwang ito ng mga kababaihan ng General Trias.
Ang papel na ginagampanan ng mga babae sa ating lipunan ay patuloy na nagbabago. Matapos mabigyan ng pagkakataong makapag-aral, ang mga babae ay naging aktibong bahagi na ng puwersang manggagawa, kadalasa’y gumagawa ng trabahong dati’y laan lang para sa mga lalaki.
Pero sabi nga nila, hindi dahil marami na ang babaeng nakapagtatrabaho ay sapat na ito. Hindi dahil nakikibahagi na sila sa paggawa ng desisyon sa pamilya, sa komunidad at sa bansa, ay nangangahulugang pantay na sila sa mga lalaki.
Halimbawa na lang ay sa ating krusada upang gawing ligtas ang ating mga komunidad laban sa panganib na dala ng iba’t ibang uri ng sakuna. Sa panahon ngayon na tayo ay nakararanas ng matinding hagupit ng mga sakuna na dahilan ng climate change o pabagu-bagong panahon, kailangan natin paigtingin ang ating mga programa para sa disaster preparedness.
Ang mga babae ay bumubuo sa limampu’t dalawang porsiyento (52%) ng pandaigdigang populasyon. Mahigit isandaang milyon dito ay apektado ng mga sakuna taun-taon. 1
Sa mga pagkakataong ito, ang mga babae ang tumatayong tagapangalaga. Ngunit sila mismo ay may sariling mga pangangailangan na dapat matugunan.
Sa kabila nito, patuloy ang mga kababaihan sa paggawa ng mga programa upang mapigilan ang mga sakuna at gawing disaster-resilient ang ating mga komunidad.
Kamakailan ay kinilala ng United Nations ang ilang kababaihan sa buong mundo na nangunguna sa mga programang makapagpapatibay sa kahandaan ng mga bansa at komunidad sa mga sakuna. Tinawag silang mga Heroes of Resilience.
Ang inyo pong lingkod ay mapalad na naisama sa listahan, ngunit ito ay dahil na rin sa suporta na ibinibigay ng ating gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa mga programa at polisiyang ating isinusulong.
Isa rin sa mga kinilala ng UN ay ang namayapa ng si Professor Wangari Maathai, isang Nobel Peace Prize laureate noong 2004. Ang Green Belt Movement2 na kaniyang itinatag ay nakapagtanim ng mahigit sa limampu’t isang (51) milyong puno sa Kenya at pinalakas ang kanilang mga komunidad, lalo na ang mga kababaihan, upang itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan.
Tayo po dito sa Pilipinas ay may mga pagkukusa na maipagmamalaki at ang mga lokal na komunidad ang nangunguna dito. Isang grupo ng mga kababaihan sa Montalban, Rizal ang nagsagawa ng agroforestry para umangkop sa mas matagal na panahon ng tag-ulan. Isang grupo naman ng mga babae sa Hinatuan, Surigao del Sur ang nagtanim ng mga bakawan upang maprotektahan ang kanilang kabahayan at buong komunidad laban sa mga storm surge.
Sa munisipalidad ng San Francisco sa Camotes Island sa Cebu, isa sa hinirang ng United Nations International Strategy for Disaster Reduction bilang modelong komunidad para sa disaster risk reduction and management, siyamnapung porsiyento (90%) ng mga nagpapatupad ng mga programa sa pangangalaga sa kalikasan at paghahanda sa mga sakuna sa bawat purok ay mga kababaihan, dahil karamihan sa mga lalaki ay naghahanap buhay.
Ako ay nakasisiguro na karamihan sa mga kababaihang naririto ngayon ay mga aktibong kasapi ng mga programa ng lokal na pamahalaan ng General Trias para sa pangangalaga sa ating kalikasan, tulad noong kayo ay nagsagawa ng isang malawakang paglilinis o ang tinatawag na municipal-wide clean up drive at ang pagsuporta sa pag-gamit ng mga “eco-bags” sa halip na mga plastic na lagayan. Ito ay mahahalagang hakbang upang maisiguro na sa panahon ng sakuna, mas ligtas ang ating komunidad dahil maayos at malinis ang kapaligiran.
Hinihikayat ko ang lahat ng mga kababaihan ng General Trias na patuloy na maging aktibong kasapi ng komunidad, habang patuloy tayong nagsusulong ng mga batas at polisiya na magpapalakas sa mga kababaihan.
Marami na tayong nagawa. Naipasa na natin ang maraming batas para sa kababaihan. Nandiyan ang Anti-Violence Against Women and Children Act (RA 9261), ang Anti-Discrimination Against Women Act (RA 6725), ang Women in Development and Nation Building Act (RA 7192), ang Rape Victim Assistance and Protection Act (RA 8505), at ang Magna Carta of Women (RA 9710). At wala po tayong balak na tumigil sa paglikha o pagpapaigting ng mga batas para sa kapakanan ng mga babae.
Naihain ko na po ang Senate Bill 1434, o ang “Women Empowerment Act.” Layunin po ng batas na ito na tunay na mabigyan ng sapat na representasyon ang mga babae sa pamamahala. Sa panukala po nating ito, dapat i-reserba ang ilang percentage ng mga posisyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, para sa mga babaeng kuwalipikado sa mga naturang trabaho.
Ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act na ating isinusulong na maisabatas kaagad, kamakailan ay naaprubahan na sa isang bicameral conference committee. Batid natin na maraming kabataan at kababaihan ang nagiging biktima ng pangangalakal. Ang pinaigting na batas na ito ang susugpo dito.
Isinusulong din po natin ang agarang pag-apruba sa Batas Kasambahay upang masiguro na ang ating mga kasambahay ay may karampatang proteksyon at mga benepisyo. Kaakibat ng panukalang batas na ito ay naratipikahan nang ILO Kumbensiyon Bilang 189, Disenteng Trabaho para sa mga Kasambahay. Ang pag-apruba ng Pilipinas sa naturang kumbensiyon ang magbibigay daan sa pag-umpisa ng pagpapatupad nito.
Sa tulong po ng gobyerno at lokal na pamahalaan ng General Trias, ako po ay umaasa na maisasakatuparan natin ng mabuti ang mga programang mangangalaga sa karapatan ng mga kababaihan at magpapalakas sa kanilang kakayahan.
Maglikha tayo ng mga oportunidad kung saan maaring makiisa ang mga kababaihan at maging mga epektibong lider.
Ang mga kababaihan sa buong mundo at maging sa Pilipinas ay tahimik na gumagawa ng kanilang kontribusyon sa lipunan. Panahon na para isulong natin ang isang imahe na nagpapakitang ang mga kababaihan ay hindi na lamang biktima; sila na mismo ang mga bayani.
Maraming salamat at magandang araw sa inyong lahat.
[1] Wahlstrom, M. Project Syndicate: Women, Girls, and Disasters
[2] http://www.greenbeltmovement.org/wangari-maathai/biography.