Ika-150 Taong Pag-gunita sa Pagsilang ni Mariano Ponce

March 22, 2013

Mensahe ni Senador Loren Legarda
Ika-150 Taong Pag-gunita sa
Pagsilang ni Mariano Ponce
Ika-22 ng Marso 2013

 

Isa pong karangalan ang makasama sa paggunita sa araw ng kapanganakan ng isa sa mga bayani ng ating bansa—si Gat. Mariano Ponce.

Isa si Mariano Ponce sa mga bayaning nagpatunay na ang kaalaman ay maaaring maging kasangkapan ng katapangan at kagitingan. Siya ay nagpursige sa kaniyang pag-aaral ng medisina. Kanya ring ipinamalas ang kanyang kahusayan sa pagsusulat upang imulat ang kaisipan ng tao sa mga nangyayari sa ating lipunan. At noong naitatag na ang Unang Republika ng Pilipinas, siya ay patuloy na naglingkod sa bayan.

Sa ating pagdiriwang sa ika-isangdaan at limampung kaarawan ni Gat Mariano Ponce, ating bigyang pugay ang sarili niyang paraan ng pagpapakita ng kagalingan, katapangan, at katapatan sa bayan.

Ngayon ang araw ng pagbabalik tanaw sa isang bahagi ng ating kasaysayan, ang kapanganakan ng isang bayani. Sa lahat ng mga Bulakenyo, anak kayo ng mga magigiting na Pilipino. Nawa’y ipagpatuloy ninyo ang tradisyong ito ng pagbibigay-pugay sa mga natatanging Pilipino sa ating kasaysayan at tumulong sa pagpapanumbalik ng pagpapahalaga ng bawat Pilipino sa ating kultura at kasaysayan.

Sa panahon ngayon ng modernisasyon, tayo ay nahaharap sa matinding pagsubok na magpaalala at mahikayat ang bawat Pilipino na balikan ang ating kasaysayan upang magkaroon tayo ng mas malalim na pagpapahalaga sa ating tinatamasa ngayon, lalo na ang kalayaan at demokrasya na magiting na ipinaglaban ng ating mga bayani.

Ating bigyang halaga ang ating kasaysayan. Tayo ay magbigay pugay sa ating mga bayani.

Mabuhay si Gat Mariano Ponce! Mabuhay ang mga bayaning Pilipino! Maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.