Ika-125 Anibersayo ng Pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas
January 24, 2024Mensahe ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda
Ika-25 Anibersayo ng Pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas
January 24, 2024
Isang makasaysayang araw sa ating lahat!
Ginoong Pangulo,
Kahapon lamang ay nagsama-sama ang ilan sa atin sa simbahan ng Barasoain, ang simbolo ng pagbabago. Ang mga kaganapan sa makasaysayang simbahan sa lungsod ng Malolos—ang pagpupulong ng Unang Kongreso ng Pilipinas, ang pagbalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, at ang pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas—ay mga hudyat ng panibagong simulain tungo sa layunin nating bansang matatag at malaya.
Ika-labindalawa ng Hunyo 1898, inihayag ni Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas. Sa araw ding iyon, nakilala niya si Apolinario Mabini at naging kanyang tagapayo. Noong ika-dalawampu’t tatlo ng Hunyo 1898 naglabas ng dekreto sa pagtatag ng isang Kongreso na ang layunin ay magpayo sa Pangulo ng mga karaingan at pangangailangan ng mga probinsya at magsilbing kinatawan ng pambansang pamahalaan sa kanilang mga lokalidad. Binuksan ito sa Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulacan noong ika-labinglima ng Setyembre 1898 at nakilala bilang Kongreso ng Malolos. Sila ang bumalangkas sa isang konstitusyong demokratiko at republikano na nagluwal sa ating Unang Republika na pinasinayaan noong ika-dalawampu’t tatlo ng Enero, taong 1899.
Ang bahaging ito ng kasaysayan ay nagpapaalala sa atin ng ating identidad bilang isang mamamayan ng bansang ito. Lubos kong ipinagmamalaki dahil ang aking lolo sa tuhod, lolo ng aking ina, si Ariston Gella, ang pinakaunang parmasyutiko ng Probinsya ng Antique, ay isa sa mga naging bahagi ng Kongreso ng Malolos na bumalangkas sa pinakaunang Konstitusyon.
Isang daan at dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan, naging saksi ang simbahan ng Barasoain sa pagnanais ng Pilipino na lumaya at maging isang bansang may sariling boses, tindig at kakayahan – hangarin na matagal nang ipinaglaban ng maraming Pilipino sa buong bansa, sa maliliit na pag-aalsa at malalaking himagsikan, sa kampanya para sa sekularisasyon at ang Kilusang Propaganda, at sa rebolusyong isinulong ng Katipunan.
Ginoong Pangulo,
Ang pagunita natin sa anibersaryo ng pagpapasinaya sa Unang Republika ay hindi lamang isang paggunita sa nakaraan kundi isang paalala rin ng mga aral na ibinahagi sa atin ng kasaysayan. Bagamat ang Republika na itinatag sa Malolos ay nalupig, ipinakita natin sa mga mananakop na tayo bilang isang lahing Pilipino ay hindi basta-basta sumusuko, may pusong nag-aalab at diwang lumalaban para sa patuloy na pakikihimagsik tungo sa inaasam nating kasarinlan.
Matagumpay nating nilabanan ang pang-aapi ng mga dayuhang kolonyal mahigit isang siglo na ang nakalipas, ngunit hindi natin maikakaila na hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin natatapos ang ating laban tungo sa tunay na kalayaan. Gaya ng ipinunto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging pagtitipon natin sa Barasoain kahapon, may mga bagong laban tayong hinaharap, kaiba sa ipinaglaban natin noong kasarinlan.
Ang tunay na malayang bansa ay isang bansa kung saan ang mga mamamayan ay namumuhay ng mapayapa nang hindi nababaon sa kahirapan, kung saan lahat ay nakakatanggap ng pangunahing serbisyong sosyo-ekonomiko, at kung saan ang pag-unlad ay pantay at makatarungan.
Ang Pilipinas ay matagal nang isang soberanya, ngunit hindi pa ito ganap na malaya mula sa mga isyu ng kahirapan, nahaharap pa rin tayo sa krisis sa ekonomiya, kalusugan at kalikasan. Ang kalayaang kailangan ng mga Pilipino ngayon ay ang kalayaan mula sa kahirapan.
Ano nga ba ang silbi ng kalayaan kung ang karamihan ay patuloy na nagdurusa sa mga suliranin ng lipunan?
Ang mas malaking hamon para sa atin ngayon ay ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, dekalidad na edukasyon, maayos na serbisyong pangkalusugan, at ligtas at matibay na komunidad para sa mga Pilipino. Ang tunay na pag-ahon at pag-unlad ay nangangailangan ng sama-samang pagsusumikap ng pamahalaan at dapat tayong magsimula sa mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan.
Ang ating mga kababayan na nasadlak sa kahirapan ay biktima ng di-magandang kapalaran, at tayo bilang iniluklok ng tao sa posisyon, binigyan ng tiwala na mamuno, ang may responsibilidad na putulin ang mga tanikala ng kahirapan na gumapos sa maraming henerasyon ng Pilipino.
Magtulungan tayo para sa makatarungan at pangkalahatang pag-unlad ng ating mga komunidad. Siguruhing walang sinuman ang mapagkakaitan ng mga pangunahing karapatan bilang tao. Bigyan natin ng pagkakataon ang ating mga kababayan na umunlad sa kanilang sariling pamamaraan, sapagkat hindi natin maaabot ang tunay at pangmatagalang pag-unlad kung milyon-milyon pa rin ang Pilipinong nabubuhay sa kahirapan.
Ang higit nating kailangan ay isang Republikang matatag, nagkakaisa, buo, at may iisang layunin – ang maging katuwang ng bawat Pilipino sa pag-ahon at pag-unlad. Isang Republika na ang adhikain ay mabigyan ng katuparan ang matagal ng dinadaing ng bawat Pilipino, ang lumaya sa pagkakagapos mula sa kahirapan at umunlad ng walang napag-iiwanan.
Maraming salamat at isang malaya at Luntiang Pilipinas sa ating lahat!