Gawad Medalyang Ginto 2013 Bulacan Capitol Gym, Malolos, Bulacan Ika-22 ng Marso 2013
March 22, 2013Mensahe ni Senador Loren Legarda
Gawad Medalyang Ginto 2013
Bulacan Capitol Gym, Malolos, Bulacan
Ika-22 ng Marso 2013
Patuloy na nagbabago ang papel na ginagampanan ng mga babae sa ating lipunan. Matapos mabigyan ng pagkakataong makapag-aral, ang mga babae ay naging aktibong bahagi na ng puwersang manggagawa, kadalasa’y gumagawa ng trabahong dati’y laan lang para sa mga lalaki. Marami na ring kababaihan ang pumapasok sa mundo ng pulitika upang mamuno sa kanilang mga komunidad at sa ating bansa.
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon, binibigyang diin ang pagiging gabay ng mga kababaihan sa pagtahak sa tuwid na daan.
Pero sabi nga nila, hindi komo maraming babae na ang nakapagtra-trabaho ay sapat na ito. Hindi komo nakikibahagi na sila sa paggawa ng desisyon sa pamilya, sa komunidad at sa bansa, ay nangangahulugang pantay na sila sa mga lalaki.
Mataas pa rin ang bilang ng mga kaso ng karahasan laban sa mga babae. Batay sa talaan ng Philippine Commission on Women, ang bilang ng mga kaso ng karahasan laban sa mga babae na nai-report sa Philippine National Police noong 1997 ay nasa 3,687 at malaki ang itinaas nito noong 2010 na may naitalang 15,104 na kaso. Bagama’t bahagyang bumaba ito noong 2011, nang may naitalang 12,948 na kaso ng karahasan laban sa mga babae na naireport sa PNP, kailangan natin isaalang-alang na marami pa rin ang hindi nagsusumbong sa pulisya dahil iniiwasan nila ang kahihiyan na maaaring maidulot nito.
Tayo po ay gumawa na ng mga batas upang maiwasan ang ganitong uri ng mga karahasan. Nariyan ang Anti-Trafficking in Persons Act, ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act, at ang Magna Carta of Women.
Kamakailan lang ay naisabatas na rin ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act. Sa ilalim ng batas na ito, maging ang pagtatangkang pangangalakal ng tao ay mapaparusahan, gayundin ang mga kasangkot o may kinalaman sa krimen. Inaasahan na natin ang mas maigting na kampanya laban sa pangangalakal sa mga bata, babae at mga Pilipinong manggagawa.
Samantala, sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, mas marami rin ang mga kababaihan na naaapektuhan. Ayon sa report ng International Union for Conservation of Nature at ng Women’s Environment and Development Organization, siyamnapung porsiyento (90%) ng mga namatay sa isang malakas na bagyo sa Bangladesh noong 1991 ay mga babae. Karamihan din sa mga namatay noong nanalasa ang Hurricane Katrina sa Estados Unidos ay mga babae. At nang naganap ang tsunami sa Indonesia at Sri Lanka noong taong 2006, mas marami ang mga nakaligtas na lalaki kaysa sa babae sa panumbasang tatlo sa isa (3:1) o apat sa isa (4:1).
Sa panahon ng mga sakuna, ang mga babae ang tumatayong tagapangalaga sa kanilang mga pamilya at komunidad. Sila ang nagsasaayos ng kanilang mga tahanan matapos manalasa ang matinding bagyo at iba pang kalamidad.
Sa kabila nito, tahimik na nagtatrabaho ang mga babae upang epektibong malabanan ang epekto ng pabagu-bagong panahon o climate change at maihanda ang mga komunidad laban sa mga sakuna.
Isang grupo ng mga babaeng magsasaka sa Montalban, Rizal ang nagsagawa ng agroforestry upang umangkop ang kanilang mga pananim sa mas matagal na panahon ng tag-ulan. Ang mga babaeng mangingisda naman sa Hinatuan, Surigao del Sur ay nagsumikap na ayusin ang kanilang bakawan upang maprotektahan ang kanilang mga kabahayan at kabuhayan laban sa mga storm surges.
Sa munisipalidad ng San Francisco sa Camotes Island, Cebu, isa sa tinagurian ng United Nations na modelong komunidad sa pagpapatupad ng mga programa para sa disaster risk reduction, siyamnapung porsiyento (90%) ng mga namumuno sa programa tungkol sa environmental protection at disaster prevention ay babae.
Ang Bulacan ay ginawaran ng Best Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council award sa National Gawad Kalasag noong 2012. Ako po ay nakasisiguro na karamihan sa mga kababaihan ng Bulacan ay nakikiisa sa mga programa ng inyong probinsya upang maibsan ang mga panganib na dala ng mga kalamidad.
Tayong mga kababaihan ay dapat na mamuno at magsumikap na gawing maunlad at ligtas ang ating komunidad at ang ating bansa. Tayo ay may sapat na katalinuhan at kakayahan upang magsulong ng mga reporma at programa para maiwasan natin ang panganib na dulot ng bagyo, lindol, pagbaha at pagguho ng lupa.
Kaya naman mainit ang aking pagbati sa mga pararangalan ngayon ng Gawad Medalyong Ginto. Salamat sa mga nagwagi at maging sa mga nominado ngayon at noong mga nakalipas na taon dahil sa inyong kontribusyon sa ating bayan. Kayo ang nagsisilbing inspirasyon sa marami pang mga kababaihan na magpursige na magtagumpay hindi lamang para sa kanilang pansariling kaginhawahan ngunit lalo na para sa ikauunlad ng buong bansa.
Maraming salamat at magandang hapon sa inyong lahat.