Bantay RCEP and Buy Filipino
May 9, 2023Message of Senate President Pro Tempore Loren Legarda
Bantay RCEP and Buy Filipino
09 May 2023
Mahigpit na pagbati at pakikipag-ugnayan sa lahat ng nandirito.
Salamat sa inyong paanyaya sa aking dumalo at tumugon sa inyong mga pahayag tungkol sa inyong mga inaasahan ngayong na-ratipika na ang RCEP.
Gaya ng sinabi ko sa inyo noong tayo ay nagpulong bago pa man ang ratipikasyon, dama ko ang inyong mga pangamba at batid ko ang inyong mga hinaing sa mga patakaran hinggil sa ating agrikultura. Sa kabila ng lahat ng iyan, alam ko ring ang mga ninuno natin sa Katagalugan ay kailanma’y hindi sumukokaya’t itong mga pagkadismaya ay balakid lamang na dapat lampasan at hindi dapat maging sanhi ng panlulumo at kawalan ng pag-asa
Ganyan ang naging pagtingin ko sa ating ratipikasyon. Ang totoong balakid ay ang karanasan ng ating magsasaka sa buong kasaysayan ng patakaran natin sa agrikultura. Maraming programang lalo lamang isinadsad ang magsasaka sa hirap. Maraming napakagandang pakinggan pero may kurot sa pinakamasakit na bahagi. Alam n’yo na ang ibig kong sabihin.
Ang pagratipika ng RCEP ay isang pagkakataon na maglatag ng mga mekanismo para makatulong sa pag-ayos at pagbigay ng solusyon sa mga problemang ating pinagdadaanan. At sa tulong ninyo, iyon nga ang ating ginawa.
Sa paanyaya ninyo ngayon dito, ang mahalagang tanong ngayon ay kung paano natin gagawin ang pagtiyak sa mga kundisyon ng ating resolusyon ng pagratipika.
Nais kong magbigay-linaw na ako po ay isang mambabatas na yumakap sa tungkuling ito upang bumangon muli mula sa nagdaang mga dekada ng paghihikahos at nabaling mga pangako ng pag-unlad ng sektor ng agrikultura.
Magkatapat lang po ang mga sangay ng pamahalaan. Ang paraan ng lehislatura para mapabuti at timbangin ang mga sangay ay sa pamamagitan ng deliberasyon ng budget at proseso sa Commission on Appointments kung saan din po ako nakaupong miyembro. Asahan ninyong gagamitin ko ang dalawang paraang ito para tiyakin na ang mga kundisyon at gabay ng Resolusyon ay matutupad.
Bukod diyan, binanggit din mismo ng Resolusyon na gagamitin namin ang aming legislative oversight sa pagpapatupad ng batas. Sa ganitong paraan at sa mga inquiry in aid of legislation ay gagampanan namin ang aming tungkulin na hindi pabayaan ang mga sektor na nagbibigay sa atin ng pagkain, gayundin ng kabuhayan.
Sabi nga nila, paminsan-minsan sa buhay, kailangan natin ng doktor, abugado, accountant, at iba pa. Pero araw-araw, kailangan natin ng magsasaka. Panahon na pong tiyakin na wala nang masasayang, walang programang mali, walang teknolohiyang ihahain na lalo lamang magpapalubog sa magsasaka.
May ilan namang maayos na nangyari nitong mga nakaraang taon. Nabuhay ang ating programa sa organikong pagsasaka. Napadali ang pagsesertipika sa pamamagitan ng Participatory Guarantee System (PGS). Dahil din sa mga kagamitan gaya ng harvesters at traktora mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund ay kakaunti na ang makikita sa satellites na nagsusunog ng dayami sa bukid. Nagkaroon pa tayo ng kinatawan mula sa hanay ng magsasaka at mangingisda sa ating Agriculture and Fisheries Councils sa iba’t ibang antas.
Si Greg Garde po, na nakilala ko sa Zoom lamang, ay isang magsasakang nagsumikap isulong ang paraang hindi pinapansin ng pamahalaan — isang uri ng alternate wet and dry agriculture na pangunahing paraan ng DA para kanilang kontribusyon sa pagpapababa ng karbon sa hangin at himpapawid. Gaya ng ibang sumasalalay sa makakalikasang paraan, sa una ay walang naniniwala sa kanya. Pero habang nagbubunga at nagpapakita ng resistensya sa bagyo ang kanyang tanim ay dumarami ang humahanga at gustong sumubok. Bahagi po siya ng System of Rice Intensification (SRI) sa Pilipinas. Naging maayos ang kabuhayan niya dahil mas marami na ang nangangailangan sa kanyang kaalaman. Ang pinakamahalaga, sarap na sarap sa kaning tanim niya ang kanyang maliit na prinsesang si Shulamita.
Nakakalungkot na may mga naiwan. Nabuwag ang mga umaandar na mekanismo ng accountability. Ibabalik natin itong mga anti-smuggling at public monitoring ng DA budget.
Ang pangatlong sangay ng pamamahala ay ang mamamagitan sakaling may maghahabla ukol sa mga hindi nasunod na probisyon sa ilalim ng batas gaya ng nakasaad sa Agri Modernization Law. Hihikayatin namin silang maipatupad ang nararapat bago pa ang hablahan. Ipasasama rin natin saa budget at plano ng DA ang market information network at system para kasali ito sa mga kailangang matapos.
At ang panghuling nabanggit ninyo, ang oryentasyong Buy Filipino. Alam n’yo namang isinasabuhay ko iyan mula ulo hanggang paa. Araw-araw po na ang aking pagkain ay tanim ko mismo, ang aking mga kasuotan ay sariling atin, at maging ang itinutulak kong mga sanhi ng enerhiya ay araw at hangin, sariling atin din.
Ngunit paano natin mahihikayat ang ating mga kababayang tangkilikin ang sariling atin bilang mambabatas? Isang lagi kong binabanggit ang single use plastic. Mas kayang bawasan ang basura kung malapit ang pinanggagalingan ng pagkain. Kung hihigpitan pa natin ito ay dadami ang babalik sa bayong at basket.
Itinuturing tayo ng buong mundo bilang malaking populasyon ng mamimili na pinakanagkakalat ng plastic sa karagatan atpanahon nang ipakita natin na kaya nating pagbutihin ang ating waste management. Ang pagpapahusay ng produkto at pakete para sa ating mga kababayan ay magdudulot din ng husay na mapapansin ng ibang bansa. Let us view RCEP as an opportunity to work together towards nation building.
Pero nais ko ring humiling sa inyo. Ang panawagan ko po ay huwag tayong magpatali o magpakulong sa mga paraang akala natin ay mabuti. Kamakailan ay pinagkasunduan na ng mga partido sa Convention on Biodiversity na bawasan ang food waste, bawasan ang nakasasamang subsidyo sa agrikultura. At ang RCEP ay ang kauna-unahang trade agreement na may probisyon tungkol sa Convention on Biodiversity. Kaya tiyakin ninyo na hindi ko papayagang mapunta lamang sa wala o sa masama ang kasunduang ito. Maraming magbebenta sa atin ng samut-saring paraan ng pagsasaka. Kabahan na kayo kung ang mga ito ay magdudulot ng pang-habambuhay na pagbabayad ng utang — para sa gastos sa binhi, para sa pestisidyo, para sa abonong galing din sa langis, para sa interes ng utang. Sarili na po ang isinasangla natin sa ganyang kabuhayan.
Bagama’t nakasanayan, maging bukas po tayo sa makabago ngunit tama at napatunayang paraan dahil na rin sa sarili nating pagsusuri. Nais ko pong hikayatin kayong tumingin sa mga bagong pamamaraan na nagpapayabong ng lupa at nagpapadali ng trabaho nang hindi nakakasira ng lupa at kalusugan. Palawakin pa natin ang organikong agrikultura at huwag gawing pampambango lamang ito. At ang hindi organiko ay hikayatin pa ring bawasan ang inaangkat, dagdagan ang pagpapanumbalik ng buhay sa lupa, panatilihin ang mga muyong at kakahuyan sa tabi ng bukid at palayan, at huwag magtapon ng dumi sa ilog. Marami pa po tayong puwedeng gawin na magpapakabayani sa atin pero hindi natin ikamamatay. Madadaling hakbang lamang po pero tiyak na magpapabago sa mukha ng pagsasaka na nagpapayabong sa samu’t saring buhay.
Sabay-sabay po nating gawin ito. Isang Luntiang Pilipinas sa ating lahat!