Bagong Tugon sa Hamon ng Panahon
October 23, 2009Sa mga nakiisa sa inyong lingkod ngayong gabi, marami pong salamat sa inyong pagdalo.
Sa mga kababayan nating Cebuano, maayong gabii sa inyong tanan.
Sa mga kababayan nating Ilonggo, maayong gab-i sa inyo nga tanan.
Sa mga kababayan nating Bicolano, maray na banggi sa indo gabos.
Sa mga kababayan nating Kapampangan, mayap a bengi pu.
Sa mga kababayan nating Ilocano, naimbag nga rabii kadakayo amin.
At sa mga kapatid nating Moslem, assalam alaikum.
Sa lahat ng Pilipino, isang magandang gabi po sa inyong lahat.
Batid po ng inyong lingkod ang tanong ng lahat ngayong gabi: magdedeklara na ba si Loren?
Ang tugong ng inyong lingkod: Opo magdedeklara na po ako.
Magdedeklara na po ako ng hangarin kong maglingkod nang walang humpay, nang walang pasubali, at nang may malinaw na plataporma para sa ikauunlad ng bawat Pilipino.
Sa gitna ng pagdadalamhati ng milyon-milyong apektado ng mga nagdaang bagyo…
Si gitna ng patong-patong na problema ng bayan…
Sa gitna ng waring kawalan ng pagasa…
Sinong hindi naghahangad ng pangmatagalang lunas sa mga problema ng bayan?
Sinong makatitiis sa hinaing ng mga naghihikahos at salat sa buhay?
Sa harap ng kasalukuyang pagsubok, hindi po natural sa inyong lingkod ang magsalita ng patungkol sa pulitika para mamulitika lamang.
Sa panahong ito, ang matingding pagsubok, higit na matimbang sa puso ng inyong lingkod ang paigtingin natin ang ating layuning maglingkod at isulong natin ang isang tunay at wagas na pagbabago para sa sambayanang Pilipino.
Iilang linggo pa lamang ang nakaraan matapos manalanta ang bagyong Ondoy at Pepeng. Hindi pa naghihilom ang ating mga sugat. Patuloy ang pagdadalamhati ng mga nawalan ng mahal sa buhay. Patuloy ang pagkabalisa ng mga napinsalaan. Patuloy ang paglaganap ng nakamamatay na sakit. Patuloy na namimiligro ang sambayanang Pilipino sa mga sakuna at krisis na hatid ng pagbabago ng klima o climate change.
Nitong nakaraang Linggo, natunghayan ng inyong lingkod ang kalagayan ng mga kababayan nating biktima ng pagbaha – mga maralitang tagalunsod, mga hikahos na magsasaka, mga pamilya ng OFW, mga nagpapakatatag na ina, mga musmos na bata, mga sanggol na may sakit, mga di mabilang na mag-anak sa evacuation center.
Sa pagpunta ko sa Lupang Arenda, nakita ko ang magandang asal ng mga bata habang nagaantay ng kanilang lugaw. Sa Malabon at Marikina, nakita ko ang disiplina ng mga tao sa pagpila at pagantay sa relief goods.
Sinong nagsabing walang disiplina ang Pilipino?
Meron tayong disiplina. Meron tayong likas na kabaitan at galing.
Sa pamamagitan ng mga ginanap na mga hearing ng Senate Committee on Climate Change na aking pinamumunuan, higit ko pong naunawaan ang mga puno’t dulo ng ating mga problema. Tatlo po ang dahilan:
Una, poor urban governance – palyadong pamamalakad at pagpapatupad ng mga batas.
Pangalawa, vulnerable rural livelihoods – kahinaan ng kabuhayan sa kanayunan, at
Pangatlo, ecosystems decline – pagkayurak ng ating kalikasan.
Ito ang tinaguriang “Deadly Trio” na patuloy na kikitil ng buhay at pipigil sa kaunlaran ng bansa, kung atin itong babaliwalain, lalo na ngayong nadarama na ang epekto ng climate change.
Nabuwal man tayo, babangon parin tayo nang mas matatag.
Malinaw po sa inyong lingkod ang dapat nating gawin.
Una, kailangang maglatag ng isang pro-people agenda. Isang makataong programa na magbibigay lakas sa mahihirap at mahihina, at uunahin sa lahat ang kapakanan ng mga manggagawa, ng OFWs, ang mga maralitang taga-lungsod at sa kanayunan at ang ating mga katutubo.
Ang yamang-bayan ay dapat ituon natin sa serbisyo:
Pabahay
Patubig at sanitasyon…
Libreng gamot at gamutan
Edukasyon para sa kabataan
At skills training para sa mga hindi nakatapos, o mga edad na ibig maging kapaki-pakinabang sa kanyang pamilya at lipunan.
Totoo, kailangan natin ng matibay at maunlad na ekonomiya, ngunit dapat nararamdaman ito ng bawat sector at ng bawat Pilipino.
Dapat walang Pilipinong mamatay dahil walang pangospital o sa kakulangan ng gamot at serbisyo sa ospital.
Walang Pilipinong dapat magutom.
Dapat alagaan natin ang mga magsasaka at mangingisda. Ang mga taong nagpapakain sa atin ay dapat may makain. Buhayin nating muli ang agrikultura ng bansa nang sa gayon hindi na natin kailangang umangkat ng bigas. Supilin natin ang smuggling ng gulay. Buhusan natin ang mga magsasaka at mangingisda ng pondo, direktang financial aid at access sa credit facilities.
Asikasuhin natin ang kapakanan ng ating mga guro, mga taong pinagkakatiwalaan natin ng kinabukasan ng ating mga anak.
At ang kabataan, bigyan natin sila ng de-kalidad na edukasyon. Hangarin ko ang mabigyan ang kabataan ng lahat ng pinakabagong kaalaman. Pangalagaan natin sila laban sa iba’t ibang porma ng pang-aabuso.
Higit sa lahat, walang nanay na dapat mamatay sa panganganak o dahil tinanggihan ng ospital kasi walang pang-deposito. Walang sanggol na dapat mamatay habang isinisilang dahil salat sa wastong pagaarugang medical habang ipinagbubuntis.
Pangalawa, at yaman din lamang na talagang inaasahan na ng ating ekonomiya ang kontribusyon mula sa migrant workers, alagaan naman natin sila bente-kuwatro oras kada araw.
Hindi iyong pupuntahan lang natin sila dahil bibitayin na. Hindi iyong iuuwi lang natin sila pagkatapos maabuso. Hindi iyong sasabitan lang natin sila ng bulaklak tuwing Disyembre na parang mga batang nangangaroling sa maagang aginaldo. Hindi iyong makikiramay tayo kapag bangkay na silang sasalubungin ng kanilang mga kamag-anak. Tama na ang ganitong pakitang tao.
Dapat ang pamahalaan maramdaman ng OFW sa lahat ng kanyang pagdadaanang proseso:
Tamang skills training at akmang pre-departure information sa pupuntahang nilang bansa…
Palagiang pagmo-monitor ng labor at welfare officers…
Ang ligtas na paraan para sa pagpapadala ng pera sa kanilang mga kaanak…
Pangatlo, malinis at epektibong pamamahala. Ang mga plataporma de gobyerno, ang mga programa at ang mga batas ay maganda lang sa papel pero wala pong silbi kung hindi maipatutupad.
Kung tayo po ay magkakaroon ng isang makataong administrasyon, uusad po ang ating bayan. Kailangan natin ng isang pamahalaan na lilikha ng sistema kung saan walang puwang ang pangungurakot.
Malaki ang hamon sa mga lokal na pamahalaan – ang frontline ng governance – lalo na sa pagtugon sa hamon ng climate change.
Pang-apat, dapat nating pangalagaan ang ating likas-yaman. Totoo, kailangan nating kumita para sa pangangailangan ng bayan pero hindi dapat payagan ang paggahasa sa Inang Kalikasan.
Malaking banta ang dala ng climate change. At napatunayan natin iyan sa bagyong Ondoy at Pepeng: landslides, flashfloods, siltation ng ating water systems at pag-apaw ng tubig sa lawa at ilog.
Sa climate change, tataas po ang tubig dagat. Ngayon pa lang po dapat na nating paghandaan iyan. Pag-aralan na ang zoning sa kani-kaniyang lalawigan at probinsya.
Sa climate change, dadami po ang dalang tubig-ulan tuwing may bagyo. Paghandaan na ito. Silipin na ang flood control at solid waste management systems sa buong bansa.
Ang climate change po ay hindi na isyu lang ng pagiging mapagmahal sa kalikasan. Ang pagkain ng taong bayan, ang ating kabuyahan, ang turismo at marami sa ating mga industrya ay dependent sa isang malusog na ecosystem. Hindi natin haharangin ang development pero dapat ito ay sustainable.
Gawin natin ito na ang iniisip ay hindi lang ang pangangailangan ng kasalukuyan. Isipin natin ang kapakanan ng susunod na henerasyon, ng ating mga anak at ng kanilang magiging mga anak.
Ito ang nag-udyok sa desisyon na itulak ang Climate Change Act na nilagdaan bilang batas ngayong umaga.
Panglima, ibalik natin ang kapayapaan sa bansang ito. Napakalaki na po ng pinsalang dulot sa buhay at ari-arian ng hindi matapos-tapos na giyera laban sa mga rebelde.
Hindi po ito masosolusyunan ng digmaan at ng mga maling pangako. Muli tayong bumalik sa peace process at hanapin ang solusyon.
Habang patuloy ang pag-uusap, dalhin natin ang kaunlaran sa kanayunan.
Hindi po NPA at MILF ang ating kalaban. Hindi po ang mga sundalo at ang pamahalaan ang kalaban ng mga rebelde. Kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay ang tunay nating kalaban.
Pang-anim, ibalik natin ang ating pagkapa-Pilipino. Tayo po ay biniyayaan ng isang unique cultural heritage – isang bansa ng mayamang kasaysayan, sining, awit at sayaw.
Ang ating kultura ay ating kaluluwa.
Paigtingin natin ang proyektong sasalamin sa kung sino talaga ang Pinoy. Isang lipi ng bayani, mapagmahal sa kapwa at kaisa ng kalikasan.
Ibalik natin ang tikas ng Pinoy bilang lahi.
At ang gabing ito ang simula.
Mga kaibigan, sa ilang taon ko na ring paglilingkod sa bayan, aaminin ko, hindi ko na po matiis ang naging kapabayaan sa ating mga mamamayan…
Mga pamilyang nakatira sa gilid ng riles, sa ilalim ng tulay, sa maduduming estero at kalsada ng bansa…
Mga nanay at tatay na nangangalaykay ng tirang pagkain sa basurahan…
Mga sanggol na nabubuhay sa kariton, kumakain kapag mayroon at makakatulog na lang sa gutom kapag wala…
Mga batang hindi man lang makapag-aral…nauuwi sa prostitusyon at pagiging kriminal para lang mabuhay…
Mga bata sa nayon na imbes na lapis ay baril ang hawak…
Mga batang hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng magandang bukas…
At ang mga nanay at tatay, lolo at lola…maysakit, hindi man lang makabili ng gamot, tinitiis ang kirot….hinihintay na lang ang unti-unting kamatayan.
Mga kapwa ko Pilipino, gaya ninyo pagod na ang damdamin ko sa ganitong sitwasyon.
Pero habang tayo po ay may natitira pang lakas, isa pong malaking kasalanan kung hindi tayo gagawa ng paraan.
Ibalik natin ang dangal ng Pilipino.
Mga kababayan, dito po sa Luneta, noong 1998, itinanim ko ang unang isang libong puno na simbolo ng aking laban para sa kalikasan. Halos dalawang milyon na pong puno ang naitanim at umusbong.
Sa gabing ito, samahan ninyo ako sa pagtatanim ng binhi ng pag-asa.
Dito sa Luneta, muling sisibol ang bagong Pilipino para sa bagong Pilipinas!
Kinalakihan natin ang kasabihan na sa panahon ng kagipitan umuusbong ang bagong pag-asa…
At ang tunay na pag-asa ay mabubuhay lamang kung kaya nating manindigan at maniwala!
Sa mga panahong humihina ang pananalig — maniwala ka at babalik ang iyong tatag!
Sa mga oras ng pag-aalingan – maniwala ka at iyong magagawa!
Kung nawawalan ka ng pag-asa sa iyong nakikita — maniwala ka at iyong mababago!
Sa harap ng anumang krisis o kalamiat iyong magagawa!
Kung nawawalan ka ng pag-asa sa iyong nakikita — maniwala ka at iyong mababago!
Sa harap ng anumang krisis o kalamidad — maniwala ka at iyong malalagpasan!
Gaano man katayog ang iyong mga pangarap — maniwala ka at iyong makakamit!
Ibalik natin ang dangal ng ating pagka-Pilipino at ng ating pagkatao!
Ako naman po, inaalay ko ang buhay ko sa humanitarian missions na aking patuloy na isasagawa lalo na para tulungan ang mga biktima ng climate change.
Maraming salamat at pagpalain tayo ng Maykapal!