Mensahe ni Senador Loren Legarda: Unang Pambansang Komperensya ng Wikang Panulat
April 11, 2015Mensahe ni Senador Loren Legarda
Unang Pambansang Komperensya ng Wikang Panulat
April 9-11, 2015 | Lingayen Pangasinan
Una sa lahat, nais kong batiin ang mga nasa likod ng Unang Pambansang Komperensya ng Wikang Panulat. Sa pamamagitan ng pagtitipong ito ay mas mapapalawig natin ang kaalaman tungkol sa kahalagahan ng Baybayin.
Marahil ngayon ay hindi na maunawaan ng karamihan ang kahalagahan ng Baybayin dahil sanay na tayo sa sistema ng pagsusulat na ating nakagisnan. Ngunit kapag binalikan natin ang ating kasaysayan, ang baybayin ang simbolo ng sibilisasyon ng mga sinaunang Pilipino, bago pa man tayo mapasailalim sa pamumuno ng mga dayuhan.
Kaya naman, ang Baybayin ay isang pamana na ating maipagmamalaki. Dapat natin itong buhayin muli dahil ito ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Sa aking pagnanais na pangalagaan ang Baybayin at buhayin ang paggamit nito, pinangunahan ko ang pagtatayo ng Baybayin: Ancient and Traditional Scripts of the Philippines Gallery. Ito ay isang permanenteng eksibisyon sa National Museum, ang ating pambansang museo sa Maynila. Bukas ito sa publiko at makikita ninyo ang mahahalagang artifacts na naglalaman ng lumang kasulatan tulad ng Laguna Copperplate, ang Calatagan Pot, ang Intramuros Potsherd at Monreal Stones.
Makikita rin sa Baybayin gallery ang mga artifacts galing sa mga katutubong Hanunuo, Buhid at Tagbanua na patuloy pa rin na ginagamit ang Baybayin.
Bahagi ng proyekto ang pagsasagawa ng Baybayin Conference. Noong nakaraang taon sa buwan ng Agosto ay ginanap na ang Ikalawang Baybayin Conference sa National Museum. Layunin natin na maipagpatuloy ito taun-taon at mahikayat ang mas marami pang Pilipino na makiisa sa mga katulad na pagtitipon.
Upang lalo pang maisulong ang paggamit ng Baybayin, naghain ako ng isang panukalang batas tungkol dito.
Ang Senate Bill No. 2440 ay naglalayong itaguyod at pangalagaan ang Baybayin bilang pambansang sistema ng pagsulat. Layunin nito na gawing common o karaniwan ang Baybayin.
Kapag ito ay naisabatas, makikita natin ang mga katumbas sa Baybayin ng mga pangalan ng mga lokal na produkto; mga signage para sa pangalan ng mga kalsada at mga pampublikong pasilidad tulad ng ospital, paaralan, police stations, community centers, government halls, at iba pa; at maging ang pangalan ng mga diyaryo at magasin.
Ang National Commission for Culture and the Arts o NCCA ang mangunguna sa pagpapatupad ng panukala kapag ito ay naisabatas na.
Sa pamamagitan ng mga proyekto natin, sana ay maibalik natin ang Baybayin sa kamalayan ng bawat Pilipino. Sa mga susunod na taon o dekada, sana ang Baybayin ay hindi na lamang parte ng ating kasaysaysan, kundi bahagi na ng ating kasalukuyang pamumuhay.
Maraming salamat at hangad ko ang tagumpay ng pagtitipong ito.