Mensahe ni Sen. Loren Legarda | BANTAY KULTURA: National Retooling of Cultural Education Scholars and Faculty | 9 May 2026 | Metropolitan Theater, Manila

May 9, 2026

Makabuluhang hapon sa ating lahat! Maligayang Buwan ng Pambansang Pamana!
Isang karangalan ang makasama ang aking mga kapwa tagapagtaguyod ng kultura at pambansang pamana sa BANTAY KULTURA: National Retooling of Cultural Education Scholars and Faculty.

Nais kong magsimula sa bahagi ng tula ni Pambansang Alagad ng Sining Rio Almario, Kung Salamin ang Kasaysayan.

“Ay, ang panahon! O, ang panahon!
Walâng bait at katwiran kahit ang pagdaloy.
Kung nalilikha ng salamin ang mga kahulugan
Ng kasalukuyan,
Maaari ding baluktutin ang kabuluhan ng nakalípas,
O ituwid, isaayos,”

Bagama’t ang pangunahing tinutukoy sa tula ay ang kasaysayan, hindi hiwalay dito ang ating kultura, mga tradisyon, mga sanaysay ng ating nakaraan, ang mga awit at ritwal na ating kinalakhan, ang mga gawi at paniniwalang ipinasa sa atin ng mga ninuno.

Sa pagdaan ng panahon, ito’y isinasalin, isinasabuhay, ngunit minsa’y nababaluktot, nababago, at naibabaon sa limot ayon sa nagbabagong panahon at pananaw ng tao. Sa pag-usbong ng modernisasyon, napakabilis ding magpalit ng pagtingin at pag-unawa sa mga bagay na ating kinalakhan. Ang dating ipinagdiriwang ay maaari nang makaligtaan. Ang dating pinapahalagahan ay maaaring isantabi. Ang dating sinasamba ay maaaring maging kasangkapan na lamang.

Kaya napakahalaga para sa akin ang mga programang katulad nito. Sapagkat, kung hindi natin babantayan ang alaala, ang mga tradisyon, ang mga kuwento, at ang mga kaalamang minana natin, may panganib na ang mga ito’y hindi lamang mapawi, kundi mabigyan pa ng ibang anyo na malayo sa kanilang tunay na saysay. At ang mas nakakalungkot ay kasabay ng pagkawala nito ay mabura na din ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

Sa abot ng aking makakaya ay patuloy kong ipinaparamdam ang aking maigting na suporta sa ating kultura mula sa mga programa at proyektong ating itinataguyod katulad ng Schools of Living Traditions, hanggang sa mga batas kagaya ng National Cultural Heritage Act at Cultural Mapping Law na naglalayong tiyakin na ang mga pamayanan mismo ang nagdodokumento, kumikilala, at nangangalaga sa kanilang pamana. Sa kasalukuyang Kongreso, may ilang panukala pa tayong isinusulong upang mas mapatibay ang ating pagpapahalaga sa kultura, kasaysayan, at pamana. Kabilang na dito ang Institutionalization of the Schools of Living Traditions, Culinary Heritage Act, Philippine Indigenous Games Preservation Act at ang ating matagal nang pinapangarap, ang Department of Culture.

Sa aking apat na termino sa Senado, at ilang dekada kong adbokasiya para sa ating mga pambansang pamana at kultura, naiintindihan ko ang pinagmumulan ng mga tanong kung mahalaga pa ba na pinagbubuhusan natin ng pansin, resources, at oras, ang pangangalaga sa kultura?

Sa gitna ng krisis sa ekonomiya, klima, at maging sa edukasyon, huwag natin ituring ang kultura bilang dagdag-gastusin lamang, dahil sa mga panahong ito higit na nangingibabaw ang tunay nitong silbi. Ito ang hibla na nag-uugnay sa atin sa isa’t isa, nagpapatatag sa komunidad, at nagbibigay ng direksiyon kapag ang mga institusyon at serbisyo ay nasusubok.

Hindi natin pinoprotektahan ang kultura para lamang alalahanin ang nakaraan. Ang pangangalaga sa kultura ay hindi hiwalay sa pagbangon ng bansa, dahil ito mismo ang isa sa mga paraan para hindi tayo mabuwag habang tayo ay dumaraan sa hirap. Sa panahon ng krisis, ang nawawala hindi lamang materyal na bagay, kabuhayan, at pera. Madalas, kasabay nitong nawawala ang alaala, ang kaalaman ng pamayanan, at ang tiwalang nagsasabi sa isang tao kung paano siya muling tatayo at magsisimula.

Mas mauunawaan natin kung paano natin mapapabuti ang ating bayan kung malinaw nating nauunawaan ang ating pinanggalingan at ginagamit natin ito upang suriin ang kasalukuyan. Kung hindi magiging mapanuri ang lipunan, madaling manipulahin ang alaala ng bayan at ang pag-unawa sa nakaraan, at kapag nagkaganon, pati ang kinabukasan ay maitutulak sa direksiyong malayo sa tunay na diwa at aral na dapat sana’y gabay sa paghubog ng isang mas progresibo at mas may alam na lipunan.

Kaya, ang aking hamon sa mga guro, iskolar, cultural workers, at mga katuwang sa adhikaing ito, maging masigasig na mga bantay kayo ng mga wikang nanganganib manahimik, ng mga tradisyong nanganganib na maisantabi, ng mga kaalamang katutubo na sagot sa mga suliraning hindi kayang lutasin ng teknolohiya lamang, at ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino sa kabila ng mabilis na pagbabago ng mundo.

Maraming salamat! Isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!