Mensahe ni Senador Loren Legarda | Ika-162 na anibersayo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio | November 30, 2025

November 30, 2025

Isang makabayang araw sa ating lahat!

Nais kong simulan ang talumpating ito sa isa sa pinaka-makapangyarihang pahayag na binitawan ni Gat Andres Bonifacio. Isang tanong ng isang diwang makabayan na magpasahanggang ngayon ay hindi kumukupas ang kabuluhan.

“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”

Sa tema ng ating pagdiriwang na “Isang Bayan, Isang Laban: Katapatan at Katarungan kontra Katiwalian,” ating muling tanungin sa ating sarili ang mga katagang binitawan ni Bonifacio at pagnilayan na kung ang pinakadalisay at pinakadakilang pag-ibig ay pag-ibig sa bayan, paano natin ito isinasabuhay sa panahon na ang ating laban ay nakatuon sa katiwalian at pang-aabuso sa tiwala ng taumbayan?

Sa ika-isandaan at animnapu’t dalawang anibersaryo ng kanyang kapanganakan, ipagdiwang natin si Gat Andres Bonifacio bilang isang maprinsipiyong tao na matapang na nagtanong, nagduda, nagalit sa kawalan ng katarungan, at nagmahal nang lubos sa bayan kahit kapalit nito ay ang sariling buhay.

Siya ay ipinanganak na salat sa karangyaan at kaginhawaan, maagang naulila, maagang nagpakamagulang at nagbanat ng buto para maitaguyod ang kanyang limang kapatid.

Kay bigat ng pasan-pasang suliranin ngunit ang pagnanais na matuto at mahasa ang kaalaman at kamalayan ay hindi kailanman hinahadlangan ng kahirapan. Ang kanyang karanasan sa buhay at ang pagnanais na maging maalam at maintindihan ang pulso ng kanyang kapaligiran ang siyang nagsilang sa Katipunan, kilusang ang nais5 ay makamit ang isang bayang malaya at marangal.

Kay laki na ng pinagbago ng panahon, ngunit pamilyar pa rin ang sugat ng nakaraan. Kapag ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng bayan ay ginagamit para sa iilan lamang, ang tunay na nasasaktan ay ang ordinaryong mamamayan. Kung bakit personal sa akin ang alaala ni Bonifacio ay dahil nakikita ko sa kanyang buhay ang kuwento ng milyun-milyong Pilipinong patuloy na nakikibaka sa kasalukuyan. Sa aking mga pagbisita at pagbabad sa mga baryo at pamayanang katutubo, sa mga baybaying inaanod ng pagtaas ng dagat, at sa mga pamilihang pinagpupuyatan ng maliliit na negosyante at artisan, naririnig ko ang parehong tanong: bakit tila napakadalas nating ipagkait ang katarungan sa mga higit na nangangailangan nito? Sa harap ng krisis sa klima, kulturang nakaliligtaan, at kabuhayang marupok, malinaw na hindi lamang ito usapin ng polisiya; ito ay usapin ng konsensya at uri ng lipunang nais nating ipamana.

Ang adbokasiyang ipinaglaban noon ni Bonifacio ang siyang adbokasiyang patuloy ko ring itinataguyod ngayon sapagkat batid ko ang pagnanais niyang mabigyan ng boses ang mga maralita at napag-iiwanan, mabigyan ng pag-asa ang mga napapabayaan, at mabigyan ng pagkakataon ang mga nasa laylayan, dahil gaya ni Bonifacio naniniwala tayong ang kalayaan, pagbangon, at pag-unlad ay hindi lamang para sa iilan kundi dapat ay nararamdaman ng bawat mamamayan.

Sa kasalukuyang panahon, ang hamon sa bawat Pilipino, lalo na sa ating mga lingkod-bayan ay gamitin ang pribilehiyo hindi para magtatag ng pader sa pagitan natin at ng taumbayan, kundi para magbukas ng pinto para sa pantay na oportunidad.

Kaya pagnilayan natin muli ang tanong ni Bonifacio: “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?” Kung sasagutin natin ito nang buong loob, wala na ngang hihigit pa, “Wala na nga, wala,” ngunit kasabay nito, kailangan din natin isapuso na wala nang hihigit sa obligasyon natin laban sa katiwalian at pang-aapi, at wala nang hihigit sa obligasyong gawing makabuluhan ang bawat pagkakataon sa paglilingkod. Bilang lingkod-bayan, ang mandato natin ay hindi lamang mamuno at gumawa ng batas, ang higit na pananagutan natin ay ibalik ang tiwala na ang gobyerno ay tapat, marunong makinig, handing ituwid ang mali, at laging para sa taumbayan.

Maraming salamat po. Mabuhay si Gat Andres Bonifacio. Isang matapat, makatarungan, at luntiang Pilipinas sa ating lahat!