Mensahe: Buhay na Dunong: Bukal ng Sining – Schools of Living Traditions Exhibit

February 15, 2024

Mensahe ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda
Buhay na Dunong : Bukal ng Sining
Schools of Living Traditions Exhibit
February 15, 2024| 2:30 PM|Metropolitan Theater – Gallery

 

Malugod ko kayong binabati sa ating pagpapasinaya ng exhibit na “Buhay na Dunong: Bukal ng Sining” tampok ang mga likhang-kamay na produktong pinaghirapang gawin ng ating mga malikhaing Schools of Living Traditions (SLTs). Patotoo sila ng ating yaman at kasaysayan ng ating kultura mula sa iba’t ibang lokal na komunidad at katutubong mga mamamayan.

Isa sa pangunahing adhikain ko ang pagpapahalaga at pangangalaga sa ating sining, kultura, at mga tradisyon. Bawat pagbisita sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, bawat pakikisalamuha sa mga katutubo, ay nagdulot sa akin ng isang makabuluhang pag-unawa sa potensyal at ganda ng kanilang mga likha na siyang bumubuo ng ating masiglang kultura at humuhubog sa ating pagka-Pilipino. Sa bawat produkto makikita ang hindi matatawarang oras at pagsisikap na ibinibigay mabuo lamang ang mga ito.

Kung kaya simula palang ng aking unang termino bilang Senador, atin pong isinulong ang pagbuo at pagsuporta sa mga SLTs sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masiguro na maipasa ang mga kasanayan at talento ng mga katutubo sa susunod na henerasyon upang mapanatili ang sining, kultura, at tradisyon ng isang komunidad. Sa panahon ngayon na kay bilis ng modernisasyon, hindi natin hahayaan na lang na maibaon sa limot ang mga kayamanan ng ating nakaraan. Nagsasagawa tayo ng iba’t ibang programa upang itaguyod ang mga buhay na tradisyon bilang isang paraan ng pagpapahalaga sa ating kultural na pamana habang nagbibigay rin ng kabuhayan sa mga katutubong komunidad.

Sa ngayon, mayroon tayong dalawampu’t siyam (29) na Schools of Living Traditions (SLTs), mga SLTs na pinaglaan natin ng suporta, kabilang na dito ang kanilang pakikilahok sa taunang National Arts and Crafts Fair (NACF).

Upang siguruhing mapanatili ang kahalagahan ng mga tradisyonal na sining at kasanayan sa maraming kultural na komunidad, lalung-lalo na ang mga tradisyon na nanganganib nang mawala, isinumite po natin ang Senate Bill 624, na naglalayong magtatag ng Linangan ng Likhang-Bayan (Institute for Living Traditions). Layunin din nitong itaguyod ang pantay na partisipasyon sa proseso ng paglikha at produktibong gawain, at bigyan ng prayoridad ang pagpapahalaga sa pagpapanatili ng di-materyal na pamana.

Isa din sa mga proyektong aking sinuportahan ay ang paglilimbag ng mga aklat na “Everyday Culture” na tumatalakay sa mga SLTs at naglalayong maging edukasyonal na sanggunian para sa mga mag-aaral, mananaliksik, artist, at mga kultural na manggagawa upang mas maintindihan at malaman ang kahalagahan ng mga SLTs

Ilan pa sa mga komunidad na ating natulugan at napaunlad sa pamamagitan ng SLTs ay ang Ata-Talaingod, Mandaya, B’laan, at Bagobo Tagabawa. Bukod dito, patuloy tayong tumutulong sa mga artisans at komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng kagamitan at iba pang materyales sa tulong ng NCCA at ng Shared Service Facilities ng Department of Trade and Industry.

Patuloy po tayong magbibigay ng suporta at magtataguyod ng mga proyektong naglalayong pagyamanin at pangalagaan ang ating sining, kultura, at mga tradisyon. Ang bawat hakbang na ating isinusulong ay naglalayong mapanatili ang yaman ng ating kultura at patuloy na magbigay ng kabuhayan at karangalan sa ating mga katutubong komunidad.

Hinihikayat ko rin kayo na bigyan ng sapat at tamang pangangalaga ang ating kalikasan dahil ang ating sining at kultura ay konektado sa ating kapaligiran. Dito nagmumula ang mga materyales na ginagamit ng ating mga kultural na mangagawa at mga katutubo sa paglikha ng magaganda at dekalidad na mga produktong sumisimbolo sa ating pagka-Pilipino.

Patuloy po nating suportahan ang mga adhikain, kagaya ng exhibit na ito, na nagpapalaganap at nagpapahalaga sa ating mga tradisyonal na sining at kasanayan.

Maraming salamat at isang luntiang Pilipinas sa ating lahat!