7th Provincial Convention – Liga Ng Mga Barangay Pangasinan
March 16, 2010Sabi nila, kung gusto mo raw maramdaman ang tunay na pulso ng bayan, kausapin mo ang mga barangay chairman at barangay officials. Sila kasi ang laging nasa harap ng masang Pilipino, nakaririnig ng kanilang hinaing at gumagawa ng paraan para masolusyunan ang mga problema sa abot ng kanilang makakaya.
Sa aking pagiikot sa bansa bago ko pa man ideklara ang aking kandidatura, marami akong natutunan sa kanila. Sabi ko nga sa sarili ko, baka lang nakalilimutan ng ilan, na ang mga barangay officials natin ay mga mamamayan din, nararamdaman din ang mga problema ng mga tao, bilang mga tao. Iyon nga lang doble ang kanilang pasan, dahil bukod sa personal nilang problema, nandoon pa ang problema ng kanilang mga nasasakupan.
Anu-ano po BA ang mga naririnig nating problema ng ating mga kababayan?
May isang nanay, lumapit sa akin. Kakatanggal lang daw ng kanyang asawa sa trabaho. Pero hindi po siya lumapit sa akin para manghingi ng pera para sa pagkain o panggatas ng kanyang anak. Sana lang daw, may kumausap sa employer ng kanyang asawa para bayaran naman siya sa huling buwan ng trabaho nila. Naiintindihan naman daw niya kung bakit nagsara pagkatapos malugi ang kanilang employer. Kailangan lang talaga daw nila yung huling sahod na iyon para may magamit silang panglakad sa paghahanap ng bagong trabaho.
May isa namang matandang lumapit sa akin, binulungan ako, may magagawa daw ba tayo para sa mas murang gamot? Sabi niya, Loren matanda na ako at ang mga anak ko may kani-kaniya na ring pamilya. Iyong murang gamot na pinapangako sa atin, hindi naman talaga mura. Nakurot po ang puso ko, kasi itong pong lolang lumapit sa akin, halos kasing-edad na ng aking Mama at Papa, at ni Nanay Fely, ang IlokanA pong nagpalaki sa akin. Sabi ko po doon sa kausap natin, `Nay, kapag ako po ang naging bise presidente ng bansang ito, hindi po murang gamot ang ibibigay ko sa inyo, libreng gamot po ang ibibigay natin sa ating senior citizens.
Hindi lang iyon ang problemang hinaharap ng ating lipunan, ng ating mga barangay. Nandiyan din ang maternal at child mortality. Ayoko pong may magulang na namamatay dahil tinatanggihan ng mga ospital kasi walang pangdeposito. Ayoko pong may mga bata na namamatay dahil sa isang bakunang puwede namang ibigay ng libre ng pamahalaan.
Dito po sa Luzon, laluna sa Pampanga at Pangasinan, isa sa malaking hinaing ang kawalan ng sapat na paghahanda sa masamang epekto ng El Nino. Ang mga palayan, natutuyuan na ng tubig. Maraming mga pananim ang natu-tusta sa matinding init.
Napapadalas ang fishkill sa Candaba, at iyong mga nahuhuli, ang liliit na. Pati ang mga poultry, piggery at mga alagang kalabaw at baka, apektado na rin. Maski iyong bird sanctuary sa Bani, Pangasinan, nanganganib na rin.
Sa Metro Manila at sa iba pang panig ng bansa, unti-unti na nating nararamdaman ang pagra-rasyon ng tubig. Pati po brownouts at blackouts dumadalas at humahaba na.
Kaya nga po naiintindihan ko ang inyong pagsuporta sa panukalang i-postpone ang barangay elections para lang magamit ang perang laan dito para unahin ang mas malaking problema ng El Nino.
BUKOD PO DITO, NAIS KO RIN NA MATANGGAP NG MGA BARANGAY OFFICIALS ANG MGA BENEPISYONG INILAHAD PARA SA INYO NG LOCAL GOVERNMENT CODE. KAYA NAMAN ANG INYONG LINGKOD PO AY NAG-HAIN SA SENDAO NG DALAWANG RESOLUSYON NA TINATAWAGAN NG PANSIN ANG NATIONAL GOVERNMENT UPANG I-RELEASE SA MGA BARANGAY OFFICIALS ANG KARAPAT-DAPAT NA BENEPISYONG INYONG MATANGGAP TULAD NG MONTHLY ALLOWANCES, HONORARIA, INSURANCE COVERAGE AT PANG-MATRIKULA PARA SA INYONG MGA ANAK.
Maganda po ang inyong layunin at kaisa po ninyo ako dito. Isa po itong indikasyon ng kagustuhan ng bawat isa na pagbutihin ang lagay ng bayan. Ito po ay bayanihan, bahagi ng kulturang Pinoy na pinakita natin sa nakaraang bagyong Pepeng at Ondoy.
Pero hindi ko po maiwasang manghinayang dahil kailangan pa nating magsakripisyo ng ganito. Ang kailangan po ng barangay ay isang pamahalaan na paplanuhin ang lahat, para ang mga barangay makatugon sa mga batayang pangangailan ng kanyang mga nasasakupan.
Hindi kailangan ng mga baranggay ng isang pamahalaang magbibigay ng temporaryong solusyon sa mga problema ng bayan. Ang kailangan ng barangay ay isang pamahalaang maninigurong walang problema ang bayan, dahil ibinibigay na nito ang mga kailangan ng mga mamamayan, hindi pa man hinihingi. Sa katunayan, ang isang responsableng pamahalaan, alam ang kailangan ng bayan at hindi na kailangang manghingi ng mga mamamayan.
Ito po ang uri ng pamahalaang ibibigay namin sa inyo ni Manny Villar. Kaya sa Mayo po, hinihingi ko ang paglahok ng buong bayan sa isang bayanihan ng mga baranggay. Isang BARANGAYANIHAN kung saan sama-sama nating itataas ang bansa. At isusunong sa ating mga balikat, patungo sa pag-unlad.
At gaya ng dati, isa ang Pangasinan sa mangunguna sa barangayanihan na ito. Mabuhay ang Liga ng mga Barangay! Mabuhay ang Pangasinan! Mabuhay ang Pampanga! Mabuhay ang lahing Pilipino! Maraming salamat po.