2nd Annual Farmers and Fisherfolks Day Celebration
December 17, 2018Message of Senator Loren Legarda*
2nd Annual Farmers and Fisherfolks Day Celebration
17 December 2018 | San Jose, Antique
*Delivered by Gov. Rhodora Cadiao
Mayad nga aga kaninyo nga tanan!
Binabati ko ang aking mga kasimanwa lalo na ang ating mga masisipag na magsasaka at mangingisda.
Ang araw na ito ay isang pagpupugay sa inyo. Napakahalaga ng inyong papel sa ating bayan. Kayo ang pinagmumulan ng pagkain ng bawat tahanan at katuwang sa pag-unlad ng ating probinsiya.
Kaya naman ang inyong lingkod, si Inday Loren, ay nagsusumikap na maibigay ang mga pangangailangan ninyo. Siniguro ko na lahat ng coastal municipalities ay mayroong community fish landing centers. Marami na rin tayong naipamigay na fiberglass boats at post-harvest fishing kits sa tulong ng BFAR. Marami pa tayong ipapamahagi sa mga susunod ng buwan.
Para po sa ating mga magsasaka, siniguro ko na mapondohan ang Free Irrigation Act at bago pa man ito naisabatas ay naglaan na tayo ng pondo para magamit ng libre ang irrigation facilities ng National Irrigation Administration (NIA). Naglaan na rin tayo ng mga baka at manok para sa ating mga dairy at poultry farmers.
Marami pa po tayong inilaan para sa inyo sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng gobyerno, kagaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga panahon na mahina ang huli o hinihintay ang pagtubo ng mga pananim.
Kung anuman po ang inyong pangangailangan, huwag kayong magdalawang isip na idulog sa akin dahil prayoridad ko ang inyong kapakanan. Sisiguraduhin ko po na hindi mapapabayaan ang ating mga magsasaka at mangingisda.
Sa aking mga kasimanwa, kayo po ay palaging nasa isip at puso ko. Asahan po ninyo ang marami pang programa para sa ikabubuti ng bawat Antiqueño. Sama-sama nating iaangat at pauunlarin ang ating mahal na probinsya.
Duro gid nga salamat kaninyo nga tanan!